Chief ng Gen. Assignment Section ng MPD namigay ng Louie Vitton

CONGRATULATION NCRPO chief Gen. Roberto “Boysie” Ro­sales for the job will done! Hindi matawaran ang kasi­pagan at katapangan ni Rosales ng kanyang personal na pangasiwaan ang pagharang sa mga raliyista habang nagso-SONA si President Arroyo noong Hulyo 27 sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Bagamat may ilang insidenteng pambubugbog ng mga militante sa mga pinaghihinalaang espiya umano ng militar ay naging mapayapa naman ang kapaligiran hanggang matapos ang huling State of the Nation Address ni GMA. Hindi umu­bra ang balak ng mga militante na makadikit sa Batasan Complex matapos pakiusapan ni Rosales ang lahat ng organizer ng raliyista upang makaiwas sa mara­has na despersal. Hindi rin umubra ang pagtawid ni Senator Mar Roxas sa bakuran ng mga militante dahil nag­mukhang traffic aide lamang siya. Ika nga’y hindi siya nakahatak ng “pogi points”.

Kung paghanga rin lang ang pag-uusapan, saludo rin ako kay Manila Police District director Chief Supt. Rodolfo Magtibay dahil maayos na nairaos ang ika-95 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila. Bagamat masikip ang trapiko, masaya at maka­saysayan ang pagtitipon ng INC. Hindi kumukuyakoy si Magtibay sa kanyang opisina. Personal siyang nag-ikot sa lahat ng sulok ng Maynila upang pangasiwaan ang kanyang mga tauhan. Congratulation Sir! Mabuhay ka   at sana’y dumami pa ang iyong lahi!

Ganyan ang opisyal na dapat iluklok sa PNP. Hindi katulad ng iba riyan na inuuna muna ang bulsa kaysa kapakanan ng sambayanan. Masakit kasing isipin na kung sino pa yung may kakayahang mamuno sa kapulisan, siya pa ang pilit na sinisira ng ilang tiwaling opisyales. Ganyan yata ang kalakarang umiral ngayon sa PNP. Puro padrino pero palpak naman sa serbisyo!

Tulad ng sumbong na nakarating sa akin mula sa mga inggitirong pulis ng Manila’s Finest. Ayon sa aking mga nakausap namahagi umano si Chief Insp. Froilan Uy, hepe ng General Assignment Section (GAS) ng Louie Vitton lady’s bag sa mga secretarya ng investigation unit sa headquarters. Marami ang nagtataka dahil malayo pa naman ang Pasko, mukhang galante palang opisyal itong si Uy dahil kahit walang okasyon ay namimigay ng regalo. Saan kaya niya kinuha at magkano ang ginastos? Ito ang malaking katanungan sa bakuran ng MPD ngayon. Ano na kaya ang nangyari sa 23 boxes ng mga pekeng Lacoste at Louie Vitton na nasabat ng Mobile 318 noong Lunes ng gabi? Kasi mga suki, masalimuot ang kina­hantungan ng mga imbestigador bago na inquest sa piskalya ng Maynila ang mga tsekwa na sina Wong Dong Zhi at Susan Ong at Pinoy na si Noli Poyaon mata­ pos na makialam ang dalawang dating Station Commander ng MPD.

Abangan!

Show comments