Pangarap
LIBRE naman ang mangarap. Pero may hangganan din ang mangarap. Kapag wala na talagang posibilidad maabot ang pangarap, kailangan bitawan na. Sa pagpasok ni Defense Secretary Gilberto Teodoro sa Lakas-Kampi, lalong nanggagalaiti si MMDA Chairman Bayani Fernando. Alam sa Metro Manila, na pinipresenta ng MMDA Chairman ang sarili niya sa partido na maging kandidato sa pagka-presidente sa darating na eleksyon. Matagal na siyang nagpresenta.
Pero sa aking alaala, wala pa akong naririnig mula sa partido, o kahit kay Arroyo, na tinatanggap nila ang pag-alok ni Fernando. Ni konting pahayag na siya nga ay nasa listahan ng mga pinag-aaralan ng Lakas-Kampi para tumakbo bilang kandidato nila ay wala pa akong nababalitaan. Baka naman silang dalawa lang ni Arroyo ang may kasunduan na. Pero kung may kasunduan, bakit apektado si Fernando sa mga usapin na si Teodoro, o si Kabayang Noli De Castro ang tila gusto ng partido isalang sa eleksyon? Baka wala ngang kasunduan.
Pati si DILG Sec. Ronaldo Puno, na sa wakas ay nagpakita na rin sa Palasyo, ay bukas sa usaping tumakbo bilang vice resident ni Teodoro. Ayon kay Fernando, dapat mga matagal nang miyembro ng partido at nagsilbi na ng tapat ang dapat gawing kandidato, at hindi iyong mga kapapasok lang. Sang-ayon ako roon. Kapag tapat sa isang samahan o partido, kailangan may gantimpala kahit papaano. Ang problema lang kasi, ni hindi pumapasok ang pangalan ni Fernando sa top 5 ng ginagawang surveys. Sa totoo nga, nasa pinaka-mababang grupo siya kasama pa ang ilang nagbabalak tumakbo katulad ni Mayor Jejomar Binay at Among Ed Panlilio. Sa madaling salita, hindi siya magandang pambato kung sakali. Kaya ngayon, panay na ang salita ukol sa pagpili ng Lakas-Kampi ng kanilang pambato.
Kailangan ding maging praktikal siguro ang partido. Kailangang ilaban ang may laban. Si Teodoro pa nga ay hindi pa rin umaangat sa mga survey, kaya baka sa kinalaunan ay si Kabayan ang imbitahing tumakbo. Anuman ang plano ng Lakas-Kampi, tila wala na si Fernando sa mga planong iyon. Wala namang makapipigil sa mga gustong gawin ni Chairman. Nakikita iyan sa mga pinaggagagawa niya sa mga kalye. Kung gusto pa rin niyang kumandidato, nasa sa kanya na iyon at ng kanyang partido, kung pakikinggan pa siya ngayong may mga bagong miyembro na.
- Latest
- Trending