NAGHIHIMUTOK si Agriculture Secretary Arthur Yap dahil sa binabatikos ng mga kritiko na “overpriced imported rice noong Disyembre ng nakaraang taon. Pero siyempre, hataw sa kalabaw, latay sa kabayo. Meaning, ang buong GMA administration ang tinitira. Kahit may mga katiwalian ang administrasyon, mayroon din namang mga alegasyon na dapat munang suriin bago humusga. Kaya tingnan natin ang paglilinaw ni Yap na tingin ko’y may sentido.
Ani Yap, ang kasunduan noong Disyembre ng interagency body na Cabinet Rice Procurement Committee (CRPC) ng Pilipinas, at ng Vietnam “ay isang matalinong hakbang dahil napatatag ang supply at presyo ng bigas hangga ngayon na ang tingiang presyo ay tumataas dahil kakaunti ang ani”. Ayon kay Yap, ang average per-kilo retail prices ng regular-milled rice (RMR) noong Hunyo ay P31.40 at ang well-milled rice (WMR) naman ay P34.55. Mas mababa ito sa presyong P35.79 para sa RMR at P38.40 para sa WMR sa katulad na buwan noong 2008.
Ang kabuuang imbentaryo naman ng bigas ng bansa ay 2.68 milyon metriko-tonelada noong Hunyo kumpara sa 2.2 milyon MT noong Hunyo ng nakaraang taon. Kaya ang inaakusa na presyong $380 kada metriko tonelada (MT) noong ginagawa ang negosasyon ay walang basehan, ani Yap. Ang freight on board (FOB) price noon (ibig sabihin hindi pa kasama ang transport cost at iba pang standard expenses para ihatid ang produkto mula sa Hanoi patungong Maynila) ay naglalaro sa $456 hanggang $459, batay sa Board of Trade ng Thailand, na siyang international benchmark sa presyuhan. Samakatwid, walang 40% overprice porke wala namang bigas na nagkakahalaga ng $380 kada tonelada noong Disyembre 2008.
Isa pa, ang negosasyon ay masusing binantayan, nilahukan at inaprubahan pa ng Private Sector Procurement Transparen-cy Group (PSPTG), na pinangungunahan ng Bishops-Businessmen’s Conference (BBC).
Sinabi mismo ng ana-lyst na si Pablito Villegas na sinasabing source ng Reuters sa ulat nito na wala siyang binabanggit na may nangyaring overpricing, at wala rin umano siyang sinabi sa reporter na “there is more to it than meets the eye.” Sabi pa niya sa isang email message – “dinepensahan ko pa ang posisyon ni Mr. Yap na ang naturang presyo ay maaaring dahil sa mataas na kalidad ng bigas o sa maaaring mangyaring pagtaas ng presyo sa merkado.”
Ang maganda sa kasunduan, ang Maynila ay magbabayad sa Vietnam nang hulugan sa loob ng anim na buwan. Kaya nagka-roon ng savings ang Pilipinas na halos P369 mil-yon ($7.54 milyon) sa mga inangkat na bigas, dahil ang pandaigdigang presyo nito ay tumaas sa panahong nagsimula nang ihatid ng Hanoi sa Maynila ang mga bigas noong Pebrero.
Kaya paano nagka overpricing kung murang nabili ang bigas at nabantayan ng husto ang negosasyon ng isang private sector group na ang pinuno ay ang representate sa grupo ng BBC, na siyang grupo nang mga Obispo?