Sindikato sa LTO ubusin na!
KAHAPON sinimulan ni Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagtugis sa mga carjackers at ang mga sangkot sa pagmaniobra ng mga Official Reciepts, Certificates of Registration at License Plates sa mga karnap ng mga sasakyan. Sa unang birada ng operasyon agad na nalambat ang dalawang empleyado sa License Plate’s Section ng Land Transportation Office (LTO) na sina Orly Villaflor at Roberto Aristorenas na aktong gumagawa ng OR/CR at License Plates ng ilang sasakyan sa loob mismo ng compound ng LTO sa Bgy. Pinyahan, Quezon City, hehehe! Isang katerbang twin OR/CR at License Plates ang nakumpiska nina Rosales habang todo tanggi pa ang may 12 kataong trabahador.
Milyun-milyong salapi ang nawawala sa kaban ng bayan at limpak-limpak na datung ang napapasakamay ng sindikato kung patuloy na maging pabaya ang ating kapulisan. Kaya’t napapanahon ang pagharabas ni Rosales sa sindikato upang mawala na ang mga carjacking activities sa ating bansa. Di ba mga suki?
Nadakma rin ng raiding team ang ahente ng mga pekeng LTO Documents na si Vilma Castillo habang nag-aantay ng kanyang order sa loob ng license plates section subalit nakapuslit ang dalawa sa kasamahan nina Villaflor at Aristorenas nang makatunog ang mga ito. Nag-ugat ang operasyon ng ipag-utos ni Rosales sa kanyang tauhan na lansagin ang sindikato ng carjacking activities sa Metro Manila na matagal ng sakit ng ulo ng pulisya. Hindi lamang si Rosales ang tumutok sa aktibidades ng sindikato sa ngayon dahil ang alam ko lahat ng naging opisyales ng PNP ay gumawa rin ng aksyon subalit hindi nga lang na tumbok ang grupo. Get n’yo mga suki? He-he-he! Kayat gumamit pa si Rosales ng may 200 pulis mula sa iba’t ibang unit ng NCRPO upang ipakalat at ipantugis sa grupo.
Nagmistulang giyera sa Mindanao ang eksena nang magbabaan ang mga pulis na naka-full battle gears mula sa truck ng NCRPO kaya ang ilang taong nabigla ay nagtakbu han palayo. Hindi rin nagpahuli ng gilas si Chief Supt. Elmo San Diego ang hepe ng Quezon City Police District dahil bitbit rin niya ang kanyang mga bounty hunters na tauhan sa Special Weapons and Tactics Unit na matagal na ring sabik sa bakbakan. Di ba sir?
Dinala ang mga nahuling suspek sa NCRPO headquarters sa Camp Ricardo Papa sa may Bicutan, Taguig City upang ihanda ang kaukulang asunto. Ayon kay Rosales ng aking makapanayam “ Mga matataas na tao sa lipunan ang aking babanggain dito sa operasyon ng carjacking, dahil kaya nilang paikutin ang pamahalaan at nagagawa nilang legal ang kanilang operasyon”.
Subalit nakiusap si Rosales na huwag muna nating banggitin ang ilan sa kanilang mga pinaghihinalaan upang madali silang makagalaw at madaling matunton ang mga ito. Para sa inyong kaalaman mga suki! Ang modus operande ng sindikato ay talaga namang napakahirap na matumbok kung kayo ay bibili ng sasakyan lalo’t mga segunda mano dahil sa inyong buong akala na ang inyong nabiling sasakyan ay legal ang papeles subalit ito pala’y may kakambal na dokumen-to sa LTO.
Kadalasan ayon kay Rosales may kakambal na OR/CR at License Plates na ang sindikato kung kayat madali nilang maibebenta ang mga carnapped vehicles sa mga sabik na magkasasakyan sa murang halaga. Kaya ang payo ni Rosales sa mga nagnanais na bumili ng mga sasakyan, biripikahin muna ng may ilang beses bago ninyo bilhin upang maiwasan ang paglaho ng inyong datung. Abangan!
- Latest
- Trending