EDITORYAL - Sunud-sunod na pambobomba
ISANG linggo lang ang nakalipas mula nang pasabugan ang gusali ng Ombudsman at Department of Agriculture sa Quezon City at noong Linggo, isang katedral naman sa Cotabato City ang binomba kung saan lima katao ang namatay at 30 ang nasugatan. Itinanim ang bomba sa harapan ng Immaculate Conception Cathedral. Kasalukuyang may misa nang maganap ang pagsabog. Nadamay ang mga inosenteng sibilyan. Isang suspek ang nahuli na ayon sa Philippine National Police (PNP) ay miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang nangyayaring mga pambobomba ay nagha hatid ng pangamba. Kasunod ng mga pambobomba ay ang balita naman ukol sa planong “no-el”. Matunog na matunog ang pagkalat na parang may pahiwatig na nga sa mga maaaring mangyari. Habang kumakalat ang “no-el” ay nagkakaroon ng problema sa poll automation. May nagbackout kahit nagkasundo na noon. Pero noong Biyernes, naayos na raw sabi ng Comelec. Ganoon pa man, hindi pa rin nawawala ang bulung-bulungan sa “no-el”. Maski ang United States ay nabahala sa ganitong balita kaya agad na nagsabing dapat matuloy ang 2010 elections. Mahalaga ito sapagkat makikita na gumagalaw ang demokrasya.
Bago ang pambobomba sa Cotabato, nagkaroon na rin ng mga pambobomba sa Mindanao noong nakaraang linggo. Isang home-made bomb ang natagpuan sa isang pampasaherong bus sa North Cotabato. Nakalagay sa baggage compartment ang bomba. Isa umanong 60 mm. mortar ang disenyo. Bago ang pagkakatagpo ng bomba sa North Cotabato, isang bomba ang sumabog sa Bgy. Kitango, Datu Ampatuan, Maguindanao. Wala namang nasugatan. Sabi ng military, sadyang inihanda ang bomba para sa kanila sapagkat itinanim sa dinadaanan ng military convoy.
Sunud-sunod ang pambobomba na tila naman nauugnay sa nalalapit na election. Ang mahigpit na pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) at ang pagiging alerto ng mamamayan ay dapat mangibabaw. Maaaring magkatotoo ang haka-haka hindi matuloy ang election dahil sa kaguluhan at sasamantalahin ito ng mga sakim sa kapangyarihan. Dapat maging mahigpit sa pagbabantay ang mamamayan.
- Latest
- Trending



















