Game na naman
NAGKASUNDO na raw ang dalawang kompanya na nagwagi para patuparin ang full automation ng halalan sa 2010. Kumalas ang TIM sa partner nitong Smartmatic, matapos lumitaw na may mga di-pagkakasundo ang dalawang kompanya. Kung bakit ngayon lumalabas ang kanilang problema sa bisperas ng pirmahan ng kontrata ay namunga nang maraming espekulasyon at intriga. Tila may malakas na tao o grupo ang ayaw matuloy ang naturang automation. Dahil sa ginawa ng TIM, maraming sektor ang nagalit at nagbato ng batikos sa lokal na kompanya. Demanda ang hinaharap sana ng kompanya kung sakaling tuluyang hindi natuloy ang proyekto. May mga usapin na sinadya talaga ito para talagang hindi matuloy ang automation. Ngayon, okay na raw at tuloy na ang planong sistema.
Pero sa aking palagay ay dapat mas lalong bantayan na ang dalawang kompanya, dahil nabawasan na nang malaki ang tiwala sa kanila ng bayan. Sa nangyaring gulo, posibleng madiskaril ang proyekto sa kahit anong bahagi pa nito. Kung totoong may tao o grupo na ayaw ipatupad ang automation, hindi sila hihinto hangga’t matamo nila ang kanilang hangarin. Kaya kahit fully automatic pa rin ang eleksiyon sa 2010, babantayan pa rin nang maraming sek-tor at grupo ang proseso. Mababawasan siguro ang tao sa mga presinto, pero may bantay pa rin. Tulad nga ng sabi ng iba, baka sa programa pa lang ng makina may dayaan na.
Nasa Comelec pa rin ang huling salita. Nasa Comelec pa rin kung talagang magiging malinis at maayos ang darating na eleksiyon. Sa bagong pamumuno, umaasa ang bayan na magbabago na ang takbo ng eleksiyon sa Pilipinas. Nakita na kung ano ang mga nangyari sa pa-mumuno ni dating Chairman Benjamin Abalos Sr. Mga anomalya katulad ng Hello, Garci at ang lokohan sa Maguindanao. Malalaman natin kung magiging iba ang palakad sa ilalim ni Chairman Jose Melo. Maganda na ang umpisa niya at mukhang maipapatupad sa wakas ang poll automation, na kauna-unahan sa bansa. Maganda ang maiiwan niyang pamana kung magiging tunay na malinis at maayos ang darating na eleksiyon, na tagumpay na rin ng mamamayang Pilipino.
- Latest
- Trending