'17-anyos binaril ng gunman'
NAKAGUGULAT ang mga krimen na nangyayari ngayon sa ating paligid. Tampok ngayon ang isang 17-anyos na binatilyo na binaril ng isang umanong “gunman” sa likod ng kanyang tenga.
Ito ang kwento ng isang ginang na humihingi ng hustisya para sa kanyang anak. Siya ay si Elizabeth ‘Beth’ Arsenas 42 taong gulang taga Makati City.
Taong 2008 Ilang linggo na lang bago ang kapaskuhan ay maraming tao na ang abala. Kasama na rito ang pamilya Arsenas kung hindi lamang dumating ang dagok sa kanila.
Disyembre 8, 2008 bandang alas dos ng umaga ay may kumatok sa bahay nila Beth na sa pandinig niya ay may nangyaring hindi maganda. Ang akala niya ay ang kanyang anak na si Cesar ‘Balong’ Arsenas 17 taong gulang dahil nagpaalam ito na gagabihin kasama ang mga barkada.
Pagbukas ni Beth ay si Lydia Ortis na kaibigan ng kanyang anak ang kumatok at sinabing may nangyari kay Cesar.
“Nabaril daw si Balong ng isang tanod habang sila ay nag-iinuman. Hindi na ako nag-atubili na pumunta kaagad sa ospital kung saan dinala ang aking anak,” ayon kay Beth.
Pagdating niya sa Ospital ng Makati ay nasilayan niya ang anak na nakahandusay. Halos maupos si Beth sa kanyang kinatatayuan ng makita si Balong na may tama ng baril sa kanang tenga.
Isinugod siya sa ospital at kinailangan maoperahan ni Balong para matanggal ang bala ngunit kulang sa kagamitan ang ospital kaya nilipat siya sa East Avenue Medical Center ng araw din yun.
Pagdating nila sa ospital ay minabuti ng mga doktor na palakasin muna ang katawan ni Balong para makayanan nito ang isasagawang operasyon.
Naglaho ang kanilang pag-asa ng Disyembre 14, 2008 bandang alas singko ng madaling araw ay hindi na kinaya ng katawan ni Balong at ito’y binawian ng buhay.
“Sinundo ko pa siya nun sa kanilang tinatambayan subalit nagpaalam na uuwi rin agad. Hindi ko alam na lumayo pa siya at nakarating pa sa ibang bahay kung saan siya nabaril,” mariin na pahayag ni Beth.
Sa dami nilang nag-iinuman na sina Alvin Arendain, Jhon Rafael, Ronald Rebaya at si ‘Kokoy’ si Balong lang ang binaril umano nito na kinilalang si Pedro Barbuela.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni Jhon na binigay kay P03 Jason David nung Disyembre 15, 2008, “habang kami ay nag-iinuman sa tapat ng bahay nila Ronald ay dumating ang mga kagawad na sina Mario Borja at Pedro Barbuela sakay ng isang motorsiklo.
Sinabihan namin sila malapit na kami matapos at uuwi na rin kami. Pagkatapos nun ay hinawakan pa ni Pedro ang tenga ni Cesar sabay sabing matulog na siya.”
Akala nila ay hindi na babalik si Pedro pero nagpakita pa ulit ito kaya pinashot nila ngunit tumanggi si Pedro.
Pagkatapos ay lumapit raw siya kay Balong at sinabi umano na “pasensyiahan na lang tayo Balong napag-utusan lang,” sabay putok ng baril.
“Nakatalikod nun si Balong ng binaril ni Pedro kaya sa tenga ang tama ng bala. Matapos nito ay nagtakbuhan kami sa takot na baka kami ang sumunod na barilin,” pahayag ni Alvin sa kanyang sinumpaang salaysay.
Pagkaraan ng ilang oras ay binalikan umano nila si Balong at dinala na sa pinakamalapit na ospital.
Matapos ng krimen ay pumunta umano si Pedro sa bahay ni Mario upang ibalik ang baril. May nakikita raw na isinauli ni Pedro ang baril kay Mario.
Ayon sa isang nakasaksi na si Renato Cuartero,
“Naalimpungatan ako ng bandang alas dos ng madaling araw kaya ako ay nagpahangin sa labas ng aming bahay. Narinig ko ang isang putok ng baril makalipas ang ilang minuto at nakita ko si Pedro na may hawak ng baril.
Kinabahan ako kaya palihim ko siyang sinundan hanggang sa makarating ito sa bahay ni Mario at dun nakita kong isinauli niya ang rebolber na stainless.
Ayon sa medico-legal certificate ng biktima na ginawa ni Dr. Voltaire Nulud nagtamo ito ng ‘gunshot wound on the head.”
Nagbigay naman ng counter affidavit ang panig ni Mario ngunit ang asawa lang nito na si Rhoda Borja dahil na sa ibang bansa si Mario na isang OFW.
Ayon kay Rhoda, “kami ng asawa ko ay umatend ng Christmas Party sa barangay ng gabi bago mangyari ang insidente. Magkasama kami ni Mario na matulog nun at nung bandang 2:15 na ang mga oras na binaril si Balong ay gising ako nun kaya imposible ang kanilang sinasabi.
Hanggang ngayon ay wala pa rin resolusyon ang prosecutor na nagsagawa ng preliminary investigation.
“Sana po ay matulungan ninyo kami na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aking anak. Iyon ang unang pasko namin na wala na si Balong. Marami sana siyang pangarap sa buhay pero nawala ang lahat ng ito ng siya ay pumanaw,” maramdaming pahayag ni Beth.
MARAMING katanungan ang naglaro sa aming isipan.
Kung inutusan ni Mario si Pedro bakit kailangan pang ibalik sa kanya ang baril? Malapit lang ang bahay ni Mario sa pinangyarihan ng krimen. Ang lakas naman ng loob ng mga ito nagbalikan ng baril at di na natakot na may makakita sa kanila.
Sa isang banda naman ang sinasabi ng asawa ni Mario ay isang alibi at ng kanyang testigo. Sa pagitan ng isang positibong deklarasyon ng isang umano’y “eyewitness” mas binibigyan ng timbang ang huli ng mga taga-usig o ng isang huwes. Kailangan lang maging kapani-kapaniwala yung tao at pati na ang kanyang testimonya.
Hindi mukhang “scripted” o kinahon upang i-set-up ang isang tao. Ang katotohan ang siyang magpapalaya sa atin o maglulubog sa atin sa kalaboso.
Upang mapabilis ang labas ng resolusyon, ano man ang kinalabasan nito, inirefer naming si Beth sa tanggapan ni City Prosecutor Feliciano Aspi ng Makati City upang mapabilis na ang paglabas ng resolusyon sa kaso ni Balong.
Para sa isang patas at balanseng pamamahayag, tinatawagan namin ng pansin sina Pedro Barbuela at Mario Borja upang ibigay ang kanilang panig. (KINALAP NI JOANNE M. DEL ROSARIO)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending