'Tinga drug syndicate' nananalasa sa Taguig?
ISANG Joel Tinga ang inaresto kamakailan ng mga operatiba ng PDEA dahil sa pagtutulak ng droga sa Taguig. Naaresto ang lalaking ito na sinasabing pinsan ni Taguig Mayor Freddie Tinga sa isang buy-bust operation sa isang drug den sa lungsod na ito. Nauna rito’y may iba na ring naaresto sa kaso ng droga na may apelidong “Tinga.”
Hindi dapat ipagwalang bahala ito ng alkalde dahil kaladkad ang kanyang pangalan. Worried naman ito si Angelito “Jett” Reyes sa lumulubhang problema sa droga sa lungsod. Ang Philippine Drug Enforcement Agency pa umano ang nagbansag ng “Tinga drug syndicate” sa sindikatong ito.
Congressional candidate sa second district ng Taguig si Reyes nung 2007. Aniya, natatakot na ang mga residente ng Taguig sa kriminalidad na kaakibat ng problema sa droga, lalo pa’t nakikita ito na protektado ng ilang tiwaling opisyal ng siyudad.
Ang PDEA report na tinutukoy ni Reyes ay patungkol sa pag-aresto kay Joel Tinga noong Lunes sa isang drug buy-bust operation na isinagawa ng PDEA agents sa isang shabu den sa Taguig.
Nakasaad sa report ng PDEA ang ganito: “The said suspect is a member of the Tinga drug syndicate opera-ting within Taguig City.” May petsang June 22, 2009 ang report na ito. Sampung gramo ng shabu na may halagang P100,000 ang nasamsam kay Joel Tinga.
Si PDEA chief Dionisio Santiago ang tumukoy sa suspek na pinsan ni Mayor Tinga.
Sinabi naman ni Major Val Lopez, chief ng PDEA Complaints and Reaction Unit, na si Joel ay na-trace bilang kamag-anak ni Mayor Tinga sa pamamagitan ng “link analysis” at imbestigasyon.
Kabilang pa sa ibang naunang inaresto sa droga ay may apelidong “Tinga” kasama sina Fernando, Allan Carlos at Alberto. Sila umano ay naaresto ng mga PDEA agents sa ancestral home ng mga Tinga sa Barangay Ususan, Taguig noong 2007. Ito namang sina Bernardo, at Hector Tinga, ay misteryosong nakaligtas sa life sentence na natamo ng kasama niyang nahuli na si Arnel Montano.
Si Joel ay naaresto na noong Disyembre sa kasong drug pushing na nabasura naman dahil sa di pagsusumite sa oras ng police laboratory report sa mga ebidensyang nakuha sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit nais ng marami sa Taguig na ang PDEA at hindi ang lokal na kapulisan ang magsulong ng kaso sa mga drug pusher sa siyudad, lalo na iyong mga kamag-anak ng mga Tinga.
- Latest
- Trending