NOTORYUS ang Quezon City Police District- Anti Illegal Drugs Unit kung HULIDAP ang pag-uusapan.
Ito ay base sa record ng BITAG kung saan mula 2005, 2006, 2007 at maging sa taong kasalukuyan, nang makatanggap na ang BITAG ng sunod-sunod na sumbong mula sa mga kamag-anak ng mga biktima ng mga hulidap.
Iisang modus, iisang estilo, nagkakaiba-iba lamang ng presyo ng hinihingi ng mga suspek.
Ginagamit ang kanilang pagiging alagad ng batas sa panghuhuli ng mga inosente. Pangunahing nagiging biktima ng mga mapang-abusong alagad ng batas sa likod ng hulidap, mga negosyanteng Muslim.
Ang siste, kinakasangkapan ang ipinagbabawal na droga, mapalabas lamang na may nilabag sa batas ang kanilang mga biktima.
Ang nakakatawa, ang kanilang mga biktima ay walang karecord-record ng anumang may kinalaman sa droga kundi mga maliliit o malalaking negosyante lamang.
Tatakutin ang asawa, anak at kaanak nang kawawang biktimang hinuli na nakuhanan raw ng droga sa katawan ang kanilang huli at oras na maisampa ang kaso ay no bail o walang piyansa ang kaso.
Ibig sabihin, hindi na raw makakalabas sa kulungan ang kanilang huli kaya’t bilang kapalit, upang wala nang usap, wala nang kaso at wala nang kulong, magbayad na lamang ang kaanak ng presyong tama.
Hindi bababa sa isandaang libong piso ang hingian at madalas umaabot pa ito ng kalahating milyon na talaga namang nagpapaikot ng puwit ng mga kaanak kung saan hahanapin ang perang pambayad.
Kumplikado ang ganitong kaso sa BITAG lalo na’t kung mapapatunayang mga pulis nga mismo ang nanghihingi ng pera. Ang tangi din lamang naming naalapitan para sa isang operasyon laban sa mga pulis-hulidap ay mga kapwa alagad ng batas rin nila mismo.
Dito na ang problema dahil hindi man aminin ay nagkakaroon ng alinlangan ang mga alagad ng batas na hulihin ang kanilang kabaro lalo na’t kung ang transaksiyon ay gagawin sa loob mismo ng istasyon ng pulis.
Kung ganito man ang problema, may nakahandang paraan ang BITAG. Estilong magbibigay ng katarungan sa mga lumapit at nagtiwalang biktima sa amin.
Nagtatakbuhang parang mga daga na nakakita ng pusa ang nagiging eksena kapag pinasok na namin ang kanilang teritoryo na lugar naman ng kanilang transaksiyon.
At talagang wala silang kawala sa BITAG dahil la-hat ng transaksiyon at pag-uusap ay recorded o dokumentado sa aming tanggapan na hindi nila puwedeng itanggi.
Ganunpaman, mananatiling inosente ang mga suspek na pulis hangga’t mapatunayan ang kanilang pagkakasala sa hukuman.
Kaya’t sa iba pang nagtatangkang gawin muli ang modus ng hulidap, paalala lang lalo na sa mga unit ng anti-illegal drugs ng Quezon City, hindi kayo nilalahat ng BITAG.
Pero oras na mailapit kayo sa aming tanggapan, hinding-hindi namin kayo sasantuhin!