Aborsiyonistang Lover Pa!
MAY ilang aborsiyonista na rin ang nahulog sa patibong ng BITAG. Iba-ibang mukha at estilo mula sa iba’t-ibang lugar sa loob at labas ng Metro Manila.
Subalit kakaiba ang nahulog sa BITAG nitong nagdaang Huwebes, a-18 ng Hunyo sa Tangos St., Navotas Metro Manila.
Masama na nga ang kanyang gawain na maglaglag o kumitil ng buhay, dinadagdagan niya pa ito ng isa pang kasuklam-suklam na gawain sa kanyang mga pasyente.
Ayon sa isang tipster na lumapit sa BITAG, dati siyang kaibigan ng lalaking aborsiyonistang kanyang tinutukoy.
Doktor pa nga raw ang pagpapakilala nito sa kanilang lugar at talagang matunog ang kanyang pangalan sa paglalaglag. Kaya naman naging takbuhan ito ng mga estudyante at prosti na nangangailangan ng kanyang serbisyo.
Subalit habang tumatagal at nasasaksihan niya ang ginagawa ng kaibigan, sinusundot daw siya ng kanyang konsensiya at pandidiri sa kaibigan.
Bukod daw kasi sa pag-aabort, ginagalaw pa ng nabanggit na aborsiyonista ang mga pasyenteng babaeng kanyang natitipuhan.
Ito daw ay kung minsan, kabayaran na sa kanyang serbisyo o ginagamit rin daw na instrument ng aborsiyonista ang kanyang ari pantulak daw ng gamot papasok sa puwerta na pasyenteng magpapalaglag.
Isang patibong ang tumuldok sa kanyang gawain, kasama ang mga operatiba ng District Police Intelligence Unit ng Northern Police, matagumpay na nahulog sa BITAG ang aborsiyonista.
Hindi naging madali ang nasabing operasyon dahil sa dami ng tao at kipot ng lugar na pinasok ng BITAG at mga alagad ng batas, anumang oras ay maaaring pumalag ang kanyang mga kaanak at kapitbahay.
Subalit hindi ito naging hadlang at nagkaroon ng pagkakataong magharap ang aming landas, Bumungad sa amin ang mga katagang Jesus I trust in you na nakaimprenta sa t-shirt ng suspek.
Hindi na nakakibo pa ang suspek nang kumprontahin ito ng BITAG dahil sa lakas ng loob sa suot na t-shirt, paano’y bago pa dumating ang aming undercover, katatapos lamang nito ng isang pasyente.
Nakita ito sa mga ebidensiyang nakalap mula sa suspek at sa kuwartong pinag gagawaan ng paglalaglag.
Kung sino man ang may impormasyon hinggil sa mga iligal na gawain na tulad nito, makipag-ugnayan sa BITAG at sa inyong impormasyon, agad naming ikakasa ang karampatang patibong.
- Latest
- Trending