Dalawa ang sakit

Dalawa ang sakit na nilalabanan
Nitong bayan nating sa hirap at gapang;
Ang isa ay mula sa malayong bayan
At ang pangalawa’y sa pamahalaan!

Mula sa Mexico’t bansang malalakas –
Ang A(H1N1) sa bansa’y kumalat
Ito ay flu virus – kumakapit agad
Sinumang dapuan ay patay sa lagnat!

At ang masaklap pa sabi ng eksperto:
Pambakuna rito’y di pa naimbento;
Pero bakit kaya may bakuna rito –
Na dahil sa mahal ang dukha’y tuliro!

Kaya naiisip ng ilang may isip:
Baka imbento lang ang naturang sakit;
Wala raw bakuna pero ano’t bakit
Ang nagbabakuna’y nasa bawa’t clinic!

Tapos nabalita na naimbento na
Sa sakit na ito ang tamang bakuna;
Kailangang tayo’t mga bansang tanga
Ay dapat magbayad malaking halaga!

Ang pangalawang sakit higit na malubha –
Pagka’t sa Kongreso ito ay nagmula;
Ang CON-ASS na ngayo’y kanilang nilikha
Kinukontra ito ng bata’t matanda!

Pero ang protesta nitong mga tao
Hindi pinapansin ng mga pinuno;
Baka ang hinala ng baya’y totoo
Mga nasa poder waring kapit-tuko!

Umalis na kayo at pakinggan naman
Ang gusto ng tao na nagsisigawan:
Itakwil, itakwil ang Con-ass na iyan
Mag-eleks’yon muna ang sigaw ng bayan!

Maghalalan muna’t saka na ang Cha-Cha
Isunod ang Con-ass kung leaders iba na;
Sa sistemang ito bansa’y papayapa’t
Ang lahat ng Pinoy magiging masaya!
 

Show comments