Isangdaan at labintatlo

MAIBA naman ang usapan, total Father’s day ngayon. Namatay na ang pinaka-matandang lalaki sa buong mundo, sa edad na 113 taon. Isang lalaking Hapones mula sa dakong timog na bahagi ng bansa. Namatay siya kapiling ang mga kamag-anak at kaibigan niya. Noong ipagdiwang niya ang kanyang ika-113 kaarawan noong Setyembre ng nakaraang taon, ibinahagi niya ang umano’y sekreto kung paano siya nabuhay ng ganito katagal. Malakas daw siya kumain! Pero bago kayo magtungo sa mga paborito ninyong mga kainan, agad niyang dinugtong na istrikto siya sa kanyang diyeta, at siya’y walang mga bisyo katulad ng paninigarilyo at pag-iinom ng alak, at hindi siya kumakain sa gitna ng mga takdang oras ng kainan. Hindi nabanggit kung ano ang diyetang iyan, pero kilala ang mga Hapones para sa isda, gulay at kanin.

Ang Hapon ang may pinaka-mataas na bilang ng mga matatandang tao sa mundo. Dapat nga sigurong tularan ang kanilang diyeta na alam nating puro sushi at sashimi – mga hilaw na lamandagat. Pati na rin sa gulay. Pero ang nakakapagtaka ay ang kanin na alam nating nakakataba. Pero may bagong pagsusuri na ginawa rin ng mga dalub¬hasang Hapones na mas mahahaba ang buhay ng mga taong may konting katabaan kumpara sa mga payat na payat na tao.

Lumalabas kasi na mas mahina ang resis¬tensiya ng mga payat na tao kaya mas bukas sila sa sakit at inpeksyon. May kinalaman din daw ang hina ng mga ugat ng payat na tao.

Siguradong may magsasabing mas mahalaga ang kalidad ng buhay, kaysa haba ng buhay. Hindi na baleng hindi umabot ng 100, o sabihin na nating nobenta o otsenta, basta’t masaya at makahulugan ang dinaanang buhay. Kung tumanda ka nga, pero puro problema naman ang hinaharap mo araw-araw na gising ka, baka nga mas mabuti nang magpahinga na. Pero katulad nitong Hapones na kapiling pa rin niya ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan hanggang sa kanyang pagpanaw, siguradong sulit na sulit ang pagkabuhay niya ng 113 taon! At ano ang naging bunga ng kanyang buhay? Talain natin. Walong anak, 25 apo, 53 apo sa tuhod at anim na apo sa talam¬pakan! Siguradong buhay na buhay pa rin ang kanyang pangalan sa mga darating na siglo! Happy Father’s Day sa lahat ng mga masisipag at mabubuting ama ng bayan!
 

Show comments