'Maling diskarte'
(Huling Bahagi)
NUNG BIYERNES naiulat naming dito na kinausap namin si Pastor Valentino Veneracion na kung saan pinakiusapan namin siya na baka maaaring sabihan niya itong si Laurence na magpunta sa aming tanggapan upang makahanap ng solusyon sa problema nilang magkapatid.
Mayo 20, 2009 dumating sa aming tanggapan itong Laurence Juan, 40 taong gulang may asawa at dalawang anak upang ibigay ang kanyang panig tungkol sa ibinibintang sa kanya ng sarili niyang kapatid na si Leonor na umano’y winaldas niya.
Ayon sa kanya 2006 ipinakilala ni Suzette de Leon pinsan ng asawa niyang si Mary Jane Juan ang kaibigan nito na si Laarni Endencia, General Manager ng L. Dino Travel & Tours.
June 5, 2007 nag-text si Laarni kay Juan at nagsabing manghihiram ito ng pera dahil kailangan ng kanyang anak sa eskwelahan. Hindi siya nakasagot ng deretso dito.
“O sige i-try ko muna mag-cash advance sa credit card ko”
Kinabukasan ay agad naman itong nag-cash advance sa kanyang bangko.
Hunyo 7, 2007 napagkasunduan ng dalawa na magkita sa may CitiBank Savings, Ortigas Branch upang ibigay ang hinihiram nitong sampung libong piso.
“Sa napagkasunduan namin ni Laarni pagkabigay ko sa kanya ng 10,000 pesos ay bibigyan niya ako ng tseke na dated ng June 13, 2007 sa halagang 11,000 pesos kasama ang interes at ganun nga ang nangyari ng araw na iyon” ayon kay Laurence.
Idineposito ni Laurence ang tseke, pagkaraan ng tatlong araw ay nakatanggap siya ng tawag galing sa kanyang bangko at sinabing “for pickup ang return cheque”.
Pumunta naman ito agad sa bangko at pagdating dun ay ibinalik sa kanya ang tseke.
“Okay yung nagbayad sa iyo ah... Close account yung binayad na tseke” ani ng empleyado sa bangko.
Labis itong ikinagulat ni Laurence buong akala niya ay maayos na ang kanilang pag-uusap. Kaya’t dali-dali niyang tinawagan si Laarni upang linawin ang nangyari. Sinabi ni Laarni na papalitan nalang daw niya ito ng cash ngunit hindi din ito napalitan.
Hunyo 20, 2007 nag-text muli si Laarni sa kanya para umutang ng 26,000 pesos.
Kinabukasan nagkita muli ang dalawa at dun ipinakita na ni Laarni ang proyekto na gagawin nila para sa iskul na siyang dahilan ng pag-utang niya ng nasabing halaga.
Bandang huli ay ipinautang muli ni Laurence si Laarni dahil napaniwala na naman siya na may proyekto talagang gagawin.
Agad naman ibinigay ni Laarni ang tseke na nagkakahalaga ng 30,000 pesos na naka-petsa ng Hunyo 27, 2007 ngunit ito’y kanyang ipina-’hold’ dahil wala pa daw itong pondo.
Pagkatapos ng isang buwan ay binigyan siya ni Laarni ng 4,000 pesos ‘cash’ bilang interes para sa una at huli niyang inutang.
Agosto 21, 2007 nagdesisyon na si Laurence na i-deposito ang tseke na nagkakahalaga ng 30,000 pesos dahil wala talagang maibigay si Laarni. “CLOSED ACCOUNT” pa din at ibinalik na naman sa kanya ang tseke.
Nakakutob si Laurence na hindi na maganda ang nangyayari kaya lumapit na siya kay Atty. Abelardo Tibayan upang humingi ng opinyon kung anu ang dapat niyang gawin.
Setyembre 30, 2008 nagpasya sila na gumawa ng ‘demand letter’ na nagsasaad na kailangan niya magbayad ng kanyang inutang sa loob ng isang linggo at kung hindi ito makasunod ay maaari siyang makasuhan ng ‘Estafa o Violation of BP. No. 22’, ngunit hindi pa din ito sinasagot ni Laarni.
April 2009, nagpalitan sila ng mensahe sa text.
Sabi ni Laarni, “Kung lagi ka nananakot lalong hindi kita babayaran”
Sinagot ito ni Laurence,
“Hindi ito isang pananakot bagkus isa itong legal na paraan para ma-solusyunan ang aking problema.”
Ipinangako naman daw ni Laarni na gagawa na siya ng breakdown letter at aayusin na ang lahat at ito naman ay pinagbigyan ni Laurence.
Oktubre 15, 2008 hanggang Disyembre 30, 2008 hinintay niya ang ipinangako ni Laarni ngunit hindi na ito sumasagot ng madalas sa mga text at tawag ni Laurence.
Hindi pa dito nagtapos ang problema ni Laurence meron pang isang tao na umano’y nanloko sa kanya.
Taong 2007, ipinakilala ni Boyet de Leon pinsan ng asawa niyang si Mary Jane ang kaibigan nito na si Alex Arman Lubrica, isang ‘Interior Designer.’
Hunyo 18, 2007 nagpa-’rediscount’ ng tseke si Alex na nagkakahalaga ng 119,000 pesos kasama ang sinabi nitong kikita sila ng 10% na interes.
Hulyo 12, 2007 nakiusap si Alex kay Laurence kung maaari niyang gamitin ang ‘credit card’ nito pambili ng mesa at upuan para sa kanyang kliyente na nagkakahalaga naman ng 20,065 pesos.
“Kinausap niya ako at ipinaliwanag niya kung saan niya ito gagamitin, ipinakita din niya ang ‘project’ na sinasabi niyang pag-gagamitan ng pera at naniwala naman ako kaya ipinagamit ko sa kanya ang ‘card’ ko.” ayon kay Laurence.
Nang nagkausap muli ang dalawa tungkol sa ipina-’rediscount’ ni Alex ipinabago niya ang petsa at ginawa niya naman ito Hulyo 31, 2007.
“Ang sabi niya sa akin hintayin lang daw namin ang ‘project’ niya at maayos din ang lahat” ayon kay Laurence.
Naghintay si Laurence hanggang ipinabago na naman ni Alex ang petsa at ginawa niya na itong Enero 31, 2008.
Dumating ang petsang yun ngunit ibinalik ang tseke nitong si Alex.
Agad niya kinausap si Alex at nilinaw niya kung bakit ganun ang nangyari.
“Sabi niya sa akin wala daw pondo ang kanyang ‘account’ sa bangko kaya ibinalik sa akin ang mga tseke, hintayin lang daw namin ang ‘project’ niya.”
March 28, 2008 nagbigay si Alex ng 10,000 pesos para sa paunang bayad kasama na ang 10% na interes.
Oktubre 3, 2008 gumawa si Alex ng ‘promissory note’ kung saan nangako siya na babayaran niya ang 119,000 pesos sa Oktubre 31, 2008.
Tama ang hinala ninyong nagbabasa ng pitak na ito. Hindi pa din siya nabayaran nito at nag-desisyon na si Laurence na gumawa na ng ‘demand letter’ upang maging babala na ito kay Alex.
“Sinabi niya sa akin na lumipat na daw siya ng bahay, tini-text ko siya dalawang beses sa isang linggo pero ang dahilan pa din niya sa akin ay hintayin ko lang ang last project niya hanggang katapusan ng May 2009” ayon kay Laurence.
Hanggang ngayon ay hindi pa din naaayos ni Laurence ang kanyang problema kaya’t nagpasya siyang dumulog na sa aming tanggapan.
Nabigyan ng pagkakataon si Laurence na makausap ang isa sa mga miyembro ng Public Attorney’s Office (PAO) na si Atty. Agatha Zapantha upang mabigyan ng ‘legal options’ tungkol sa usaping ito.
KINAUSAP namin si Laurence upang malaman kung anung solusyon ang pwedeng gawin ngunit bago namin siya tulungan “boluntaryo” niyang sinabi na payag siyang magpa-polygraph (lie-detector) test upang ipakita na wala siyang kinita sa mga transaksyon na yun. Kahina-hinala kasi. Sa mga kakilala ng mga kamag-anak ng asawa ni Lawrence ang ipinautang niyang pera ni Leonor. Nagtalbugan ang mga tseke at ngayon ang pobreng kapatid na nagpakahirap sa ibang bansa ay umuwi ng walang naipong pera.
Mayo 29, 2009 nagpunta ang dalawa sa aming staff ‘CALVENTO FILES’ sa Philippine National Police Crime Laboratory sa Camp Crame upang samahan si Laurence magpatingin pinangunahan naman ito ni P/Supt. Nelisa Geronimo Chief, Polygraphy Division. Hindi pa lumalabas ang resulta ng test.
SA GANANG AMIN DITO SA “CALVENTO FILES” madalas sinasamantala ng mga nakararami ang katangahan ng tao. Dalawang bagay lamang ang kasong ito. Lubhang napakadaling gaguhin itong si Lawrence o sobrang mapagtiwala. Malalaman yan sa paglabas ng resulta ng “lie detector test.” (KINALAP NI JASMIN SALENGA)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari din kayo magpunta sa 5th floor City States Center Bldg., Shaw Blvd. Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending