EDITORYAL - 'Anti-cyberboso Bill' dapat nang pagalawin
Nasa plenary approval na ang House Bill 4315 o ang tinatawag na “Anti-cyberboso Bill” na inakda ni Buhay partylist Rep. Erwin Tieng. Inaasahan na kapag isa na itong ganap na batas, tapos na ang maliligayang araw ng mga mahilig mag-video ng pagtatalik o anupamang kalaswaan at kababuyan sa harap ng kamera. Sakop ng “Anti-cyberboso Bill” ang sinumang magpakalat ng mga kopya ng sex video. Sabi ni House Speaker Prospero Nograles, priority ang panukalang batas. Kapag daw naaprubahan, agad itong gagalaw para maparusahan ang mga gumagawa ng sex videos at nagpapakalat nito.
Ang pagsusulong ng “Anti-cyberboso Bill” ay eksaktong-eksakto sa eskandalo na kinasangkutan ni Dr. Hayden Kho at actress na si Katrina Halili. Inamin ni Kho sa pagdinig sa Senado na kinunan niya nang lihim ang pagtatalik nila ni Katrina. Inamin din niya na nasa impluwensiya siya ng Ecstacy nang gawin ang pag-video. Maging si Katrina man daw ay gumamit ng Ecstacy at dito pa nga nanggaling ang illegal na droga. Itinanggi naman ni Katrina ang paratang ng doctor. Nagpa-drug test na si Katrina at negatibo ang resulta.
Kung mayroon nang “Anti-cyberboso Bill” sa panahon na vine-video ni Kho ang pagtatalik nila ni Katrina, tiyak na bagsak siya sa kulungan at magmumulta nang malaking halaga. Sa ilalim ng “Anti-cyberboso Bill”, anim na buwan hanggang anim na taon makukulong ang mapatutunayang nagkasala. Magmumulta rin siya ng P100,000 hanggang P500,000. May ganito ring kaparusahan ang sinu mang mahuhuli na nagdistribute ng sex videos.
Agarang aprubahan ang “Anti-cyberboso Bill” para naman matigil na ang mga ginagawang pambababoy ng mga “sira-ulong lalaki” sa mga kababaihan. Wala sa katinuan ang mga lalaking gumagawa nito na isinusubo sa kahihiyan ang mga kawawang babae. Lalo namang paigtingin ang pag-raid sa mga gumagawa ng pirated DVDs para walang mga kopya ng sex videos na maikalat.
- Latest
- Trending