MARAMING naghihirap at nagugutom pero nadagdagan pa sapagkat marami na ang nalilito sa ikinikilos ng mga mambabatas na kapartido ni President Arroyo. Kahit na mayroon silang dapat unahing mahalaga para sa ikabubuti o ikauunlad ng bansa at mamamayan, ang pagpapasa ng resolution para magkaroon ng constitutional assembly (con-ass) ang kanilang inaatupag. Inuubos nila ang oras sa isang bagay na maski ang mamamayan ay ayaw ito o sinusuka. Paano’y ang pagkakaroon ng con-ass ay hakbang para naman maamyendahan ang 1987 Constitution.
Lumabas na sa mga survey na hindi pabor ang karamihan ng Pinoy sa pag-amyenda ng kasalukuyang Constitution. Sa tingin nila, kaya isinusulong ito ng mga kaalyado ni Mrs. Arroyo ay para mapanatili ito sa poder. Pansariling interes lamang ang iniintindi ng mga mambabatas na kaanib ng administrasyon.
Sa pagsasanib ng Lakas at Kampi noong nakaraang linggo, mariing sinabi ni Mrs. Arroyo na tuloy ang eleksiyon sa May 2010. Wala na raw makapipigil. Ito marahil ay sagot sa mga bali-balitang walang magaganap na election. Umugong ang bali-balita na mananatili raw sa puwesto si Mrs. Arroyo at magiging prime minister.
Makaraan ang pagsasanib ng Lakas-Kampi, nabulaga ang mamamayan sa biglang pag-aapruba ng Resolution 1109 na nagsusulong sa pag-amyenda ng Constitution sa pamamagitan ng con-ass. At ang matindi pa, kahit wala ang partisipasyon ng Senado, itinuloy din ang pagpapasa sa Resolution 1109. Maski ang mismong awtor ng Resolution 1109 na si Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte ay nag-backout sa inakdang resolution at sinabing pag-aaksaya lamang ito ng oras sapagkat malapit na ang election. Sabi ni Villafuerte, haharangin niya ang anumang pagtatangka sa Charter change.
Litung-lito na ang taumbayan sa kinikilos ng mga mambabatas. Malapit na ang election pero ang inaatupag pa rin ay ang pag-amyenda sa Constitution. Maraming problemang dapat atupagin pero ang pag-aaksaya sa con-ass ang kanilang pinagkakaabalahan. Kahit na isinusuka na ng taumbayan at masamang-masama ang pananaw sa Cha-cha, balewala naman ito sa mga mambabatas. Siguro nga’y dahil gusto nilang mapalawig ang kanilang termi-no pati ang kay Mrs. Arroyo.