'Tindahan Natin' scam (P18.25 NFA rice)

Huling Bahagi

Ang tinutukoy naming rice miller sa Bulacan na pinagbe­bentahan ng mga NFA 18.25 rice ng mga truckers na siya ring accredited retailers ay ang Intercity.

Sa dinami-dami ng mga rice millers sa Intercity, iilan lang ang may mga sorter o yung makinang kayang ihiwalay ang hinahalong iron fortified sa P18.25 NFA rice.

Wala pang tatlong linggo nang inilunsad ng NFA ang iron fortified rice na mabibili lamang sa mga Tinda-han Natin outlet. Ang mga ito’y sadyang hinaluan ng bitaminang iron para sa kalusugan ng mga mahihirap nating kababayan.

Bagamat lugi ang ating gobyerno sa pag-aangkat ng mga imported na bigas na ‘to sa pamamagitan ng NFA, kapakanan ng mahihirap ang isinaalang-alang sa kanilang bentahang bagsak presyo.

Ito’y idinaan sa proyekto ng DSWD sa ilalim ng tang­gapan ng pangulo ng Pilipinas. Ang malungkot dito, 80 porsiyento ang napupunta sa mga sindikatong nasa    likod ng scam. 20 porsiyento lamang ang napupunta sa mga mahihirap.

Sa North District Office, kaduda-dudang sumobra ang target allocation sa mga Tindahan Natin outlet. Sa di kalayuan, ang intercity Bocaue, Bulacan ang binabag­sakan ng mga sindikatong trucker ng kanilang mga naire-bag nang P18.25 NFA rice.  

Dapat bantayan ang NFA North District Office. Banta­yan din ang NFA South District Office, kabilang na rito ang ibang mga distrito kung saan nagaganap ang sab­watan sa pagitan ng mga bodegero, truckers at Tindahan Natin Outlet Operators.

Narito ang mga sumu­sunod na pangalan na mi­namanmanan at binaban­tayan ng BITAG: “Tapia”, “Silva” at “Manantag”. Sila ang mga tinutukoy na sindikatong truckers sa South District Office.

Si Silva, ang kanyang binabagsakan ng mga P18.25 NFA iron fortified rice, isang rice mill na may sorter sa Biñan, Laguna.

Nauubusan ng stock ang NFA ng mga bigas na hinaluan ng iron fortified. Dahil may sabwatan sa pagitan ng mga bodegero ng NFA at truckers, naga-ga­wang mailabas na ang   mga bigas na wala pang halong iron fortified.

Dito, wala nang hirap sa mga bodegero. Menos gas­tos na rin para sa mga sin­dikatong truckers, hindi na sila gagamit ng sorter. Diret­so na lang ito sa INTERCITY o sa Biñan, Laguna. At paglabas ay commercial rice na may ibang tatak na.

Ang dapat ngayong gawin ng NFA ay pakilusin ang kanilang Enforcement Investigation and Prosecution Department (EIPD). Dapat magsagawa ng check­point ang PNP sa gabi, ang lahat na papasok ng INTERCITY.

Ginagawa ngayon ng NFA ang pag-audit ng lahat ng Tindahan Natin Outlet allocations. Dahil 80 porsi­yento ang napupunta sa sindikato at 20 porsiyento lamang ang sa mahihirap, pag-aralan ng maigi kung dapat ituloy o baguhin ang sistema.

Kasalukuyang tahimik na nagtatrabaho ang BITAG. Babala namin ito sa mga tukoy na sindikato kabilang na ang mga kakuntsabang bodegero ng NFA.


Show comments