EDITORYAL - Kulang pa rin sa kubeta ang public schools
Sa Lunes ay umpisa na ng klase. At isa na namang problema ng mga estudyante ay kung paano sila iihi o dudumi. Paano’y kulang na kulang pa rin sa kubeta ang may 43,000 na public schools sa bansa. Taun-taon ay problema ang pagkakaroon ng kubeta. Lubhang kaawa-awa ang mga estudyante sa elementary at high school sa pampublikong eskuwelahan sapagkat nagsisiksikan at nag-aagawan sila sa paggamit ng nag-iisang kubeta na siguro’y napakarumi pa. Sobrang parusa na ang ganito sa mga bata.
Noong Lunes, nabanas si President Arroyo nang bumisita sa Geronimo Santiago Elementary School sa San Miguel, Manila. Naroon sa nasabing school si Mrs. Arroyo para pangunahan ang anti-influenza AH1N1 virus campaign. Pinahiran ni Mrs. Arroyo ng tissue paper ang kanyang mga kamay subalit nang itatapon na niya ang tissue, wala siyang nakitang basurahan sa paligid. Nataranta ang mga opisyal na nakapaligid sa Presidente sa paghahanap ng basurahan pero walang nakita. Sa halip gumawa na lamang ng basurahang carton ang mga opisyal. Sabi ni Mrs. Arroyo, gusto niya ay totoong basura-han ang makita niya sa school na iyon.
Kung alam lamang ni Mrs. Arroyo na maliit na problema lang ang kawalan ng basurahan sa mga school. Mas mababanas siguro siya kapag nalaman ang malaking kakulangan ng mga kubeta sa mga pampublikong eskuwelahan. Pinakamalala ang problema sa kubeta sa public schools sa ARMM kung saan 171 estudyante sa elementary ang gumagamit sa isang kubeta at 250 namang estudyante sa high school ang gumagamit sa isang kubeta. Sa National Capital Region, 114 estudyante sa elementary ang nagtitiis sa iisang kubeta samantalang sa high school, 143 estudyante para sa isang kubeta.
Bukod sa kakulangan ng kubeta, wala ring sapat na malinis na tubig ang mga eskuwelahan para magamit ng mga estudyante. Taun-taon ay problema ang ganito at pawang pangako ang pamahalaan lalo ang Department of Education.
Sabi ng DOH panatilihin ang paglilinis ng kamay kapag gumamit ng kubeta. Paano makapaglilinis ng kamay ang mga estudyante kung walang tubig sa mga kubeta. Kapag hindi pa nasolusyunan ang problemang ito, tiyak ang pagkalat ng virus gaya ng AH1N1. Kumilos sana ang DepEd sa problemang ito at hindi pawang salita lamang.
- Latest
- Trending