EDITORYAL - Ganito sana ang mga pulis
Panawagan namin kay Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Jesus Verzosa, itaas mo ng ranggo si Inspector Christopher Obien ng Provincial Mobile Group ng Bulacan. Siya ang tunay na pulis na handang ibuwis ang buhay para maipagtanggol ang mamamayan sa tiyak na kapahamakan. Kung kami ang nasa posisyon, ora mismo ay itataas namin ng ranggo si Obien para naman mabigyan siya ng pagkilala sa ginawang kabayanihan. Bihira na sa mga pulis ang ipinakitang kabayanihan ni Obien na nakipaglaban sa tatlong holdaper sa loob ng bus. Sino ang mag-aakalang ang pulis probinsiya na si Obien ay sharpshooter pala at sa isang iglap ay tumimbuwang ang dalawang holdaper na pawang sa ulo ang tama. Walang nasaktan sa mga pasahero ng bus sa kabila na nakipagbarilan si Obien sa tatlong holdaper. Ang isa sa mga holdaper ay nahuling buhay ni Obien. Sana ay katulad ni Obien ang lahat ng pulis.
Patungo umano si Obien sa Camp Crame para asikasuhin ang papeles. Sumakay siya ng JMK Bus na biyaheng EDSA dakong ala-una ng hapon noong Huwebes. Pagsapit ng bus sa EDSA-Quezon Avenue, nagdeklara ng holdap ang tatlong lalaki. Lingid sa mga holdaper, nakaupo sa gitna ang nakasibilyang si Obien. Walang sinayang na panahon si Obien at agad binunot ang kanyang kalibre .45 at pinaputukan ang isa sa mga holdaper. Sapol ito sa ulo. Akma namang puputok ang ikalawang holdaper pero mas mabilis si Obien, at sapol din sa ulo. Ang ikatlo ay hindi na nakaporma at sumuko na lamang kay Obien.
Halos maglundagan sa tuwa ang mga pasahero ng bus nang matapos ang barilan. Lahat sila ay ligtas. Nagpapasalamat sila kay Obien. Kung hindi raw dahil kay Obien baka napahamak na sila sa mga holdaper.
Sa ipinakitang tapang at dedikasyon ni Obien, dapat siyang itaas ng ranggo. Kakatwa naman ang nangyari, isang araw bago ang ipinakitang katapangan ni Obien, isang pulis sa Manila Police District (MPD) ang inaresto dahil sa panghuhulidap sa mag-asawa. Ang dinakip ng kapwa niya mga pulis ay si PO2 Roderick Sena.
Ang mga ganitong uri ng pulis ay hindi pinatatawad. Habang may mga pulis na nagpapakita ng katapangan gaya ni Obien, mayroon namang labis ang pagiging kawatan.
- Latest
- Trending



















