Nagkasakit ng TB

Tatlumpung taong gulang si Tonio nang magsimulang manilbihan bilang drayber sa isang brokerage company noong 1930. Kadalasan ay hindi na siya nakakain ng regular, naaalikabukan, naiinitan tuwing tag-araw at naba­basa tuwing tag-ulan. 

Makalipas ang 28 taon, nagsimula siyang makaram­dam ng pananakit ng katawan kaya sumailalim siya sa isang pagsusuri. Nadiskubre ng doktor ng kompanya na siya ay may TB. Gayunpaman, nagpatuloy pa ring manilbihan bilang drayber si Tonio hanggang Hulyo 1964 nang siya ay maging baldado.

At dahil walang alam sa karapatan sa ilalim ng batas, hindi nagreklamo si Tonio. Dapat sana ay nagbigay siya ng notice of compensation sa loob ng dalawang buwan. Subalit 10 taon mula nang siya ay maging baldado saka pa lamang siya nagsumite ng reklamo. Kaya, ti­nanggihan siyang bayaran ng kompanya dahil lampas na raw sa itinakdang panahon ang pagrereklamo niya at hindi raw nagmula sa kanyang trabaho bilang drayber ang pagka­karoon niya ng TB. Tama ba ang kompanya?

Mali. Hindi istrikto ang dalawang buwang ibinigay ng batas para makapaghain ng reklamo ang isang empleyado. Ang sakit ni Tonio ay nasa kaalaman na ng kompanya kaya hindi nito maitatanggi ang nasabing karamdaman. Wala ring patunay para pabulaanan ng kompanya ang kawalan ng kaugnayan sa pagitan ng sakit na TB ni Tonio at ang trabaho nito bilang drayber sa loob ng mahabang panahon.

Ang sakit na TB ay hindi inaasahang sakit na ma­daling madiskubre. Subalit ang alikabok at ang direktang epekto ng klima kay Tonio sa kanyang pagmamaneho ay may kaugnayan sa kanyang natamong karamdaman (Leonardo vs. WCC, 88 SCRA 58).


Show comments