Ang pilipinas na yata ang isa sa may pinakamaraming nakatalang “vehicular accidents” kung saan maraming buhay na ang nawala at marami rin ang lubhang nasaktan. Ito ay dahil lubhang napakagaan ang nakapaloob na parusa sa mga taong nasasangkot sa aksidente. Dapat na talagang amiendahan at dagdagan ang parusa sa mga “barubal na drayber.”
Ngayong araw ay itatalakay namin ang kwento ng mag-inang Liliza “Liza” Rosales 40 taong gulang at si Rubeliza Rosales 20 taong gulang. Nanggaling pa sila sa Calauag, Quezon upang humingi ng tulong sa kanyang anak.
April 13, 2009 bandang 12:30 ng tanghali ay bumabaybay ang bus na A&B Liner sakay ang anak ni Liza na si Mary Jane Rosales 19 taong gulang.
Kasama niyang lumuwas ng Maynila ang kanyang pinsan na si Rachelle Rosales upang bumalik sa kanilang pinagtratrabahuhan sa Muntinlupa City bilang kasambahay.
Habang nasa kalagitnaan ng byahe ay bigla umano silang nabangga ng Philtranco bus kahit na umiwas ang driver ng sinasakyan nila.
Ayon sa police report na ginawa ni SPO1 Ronald Jimenea, “napagalaman na habang bumabagtas ng Maharlika Highway ang nasabing Philtranco bus galing Pasay patungong Panganiban, Camarines Norte at ng dumaan sa kurbadong daan na may yellow lane, ang nasabing bus ay mabilis di umano ang takbo. Gumegewang pa ito ayon sa testigo na sakay ng isang van kasunod ng Philtranco Bus na si Ronald Abellera.
Ang kasunod na A&B Liner bus ay agad na umiwas dahil pumasok sa kanyang linya ang Philtranco bus sa may gitnang kaliwang tagiliran ng A&B Liner bus at nawalan ng kontrol ang Philtranco bus. Nagdulot ito ng pagbangga sa kanang unahang bahagi sa bakod ng isang bahay. Tumakas ang driver ng Philtranco Bus at konduktor nito na hindi nakilala matapos ang insidente.”
Dinala kaagad sa San Diego Hospital sa may Gumaca, Quezon ang mga sugatang pasahero.
“Nagulat na lamang kami ng tawagan kami ni Rachelle at sinabi ang masamang nangyari sa kanila,” sabi ni Liza.
Pumunta sila sa ospital kasama ang asawa nito na si Roberto Rosales. Naabutan nila ang anak sa ‘emergency room’ na may tahi na sa kanyang ulo at mga galos na galing sa bubog ng bintana.
Naging malubha ang natamong pinsala ni Jane sa kaliwang braso dahil siya ay nakaupo sa hilera ng drayber malapit sa bintana. Si Rachelle naman kahit tumilapon sa bus ay mga galos lamang ang nakuha.
Kinakailangan daw ilipat sa Lucena Memorial District Hospital ang mga biktima dahil kulang ang kanilang kagamitan para malunasan ang mga sugatan.
Nung hapon din iyon ay dinala sila sa ibang ospital sakay ng ambulansya kasama ang ibang naaksidente.
Nagpupunta ang inspektor ng A&B Liner na ang isang nagpakilalang Mr. Quinto (hindi nila nakuha ang buong pangalan) sa ospital upang magbigay ng pinansyal na tulong sa mga naaksidente. Hindi sila nagkulang ng suporta sa mga biktima at maging ang mga nirereseta na gamot ay sila rin ang sumasagot.
Umabot ng dalawang linggo sa ospital si Jane. Nadurog ang kanyang buto at kailangan daw ito maoperahan agad ito upang malagyan ng bakal.
“Ang sabi sa amin ni Mr. Quinto ay kailangan namin pumunta sa opisina ng A&B Liner para maipalam mismo na dapat maoperahan si Jane,” sabi ni Liza.
April 29, 2009 lumuwas ng Maynila sina Liza, Jane at Ruby at dun nakausap nila si Rodelyn Bello na sekretarya ng ahensya.
“Sabi ni Rodelyn ay kailangan daw ilipat ng ospital si Jane para mapadali ang kanyang paggaling at mas malapit sa kanilang opisina,” ayon ni Ruby.
May 6, 2009 si Rodelyn umano mismo ang nagpasok sa Jose Reyes Memorial Hospital kay Jane para ito ay maoperahan kaagad. Nagbigay ng limandaang piso si Rodelyn bago ito umalis para pambili nila ng gamot.
“Sabi ng doktor naka-schedule raw ang operasyon ni Jane ng Biyernes at kasama na dapat ang mga bakal na kailangan para sa braso ni Jane saka ang ilang mga gamot,” sabi kay Ruby.
Sinusubukan nilang makontak si Rodelyn upang ipaalam ngunit wala raw ito sa opisina at pupunta na lamang ito sa ospital sa araw ng operasyon. Walang nagawa si Liza kundi antayin si Rodelyn kasama ang pag-asang gagaling ang anak.
Dumating ang takdang araw ng operasyon at walang dumating na Rodelyn. Kinabukasan ay may lumapit kay Liza na nagngangnalang Efren Dela Cruz isang ‘housekeeper’ sa ospital. Dala niya ang dokumentong ‘Affidavit of Desistance’ na naglalaman na maaari silang tulungan kapalit ang hindi na sila magsampa ng kaso laban sa drayber, operator ng bus liner.
Nagulat ang pamilya ni Liza dahil hindi nila alam kung bakit ang ‘housekeeper’ ng ospital ang pumunta at kung ano ang relasyon ni Efren sa ahensya.
Hindi pumayag ang pamilya ni Jane na pirmahan ang kasunduan dahil bukod sa hindi nila ganun naiintindihan ang nilalaman nito ay marami ang nakapagsabi sa kanila na huwag nila ito sundin.
Ang naging kinalabasan ay hindi natuloy ang operasyon dahil ayaw pumayag ni Efren.
“Kung hindi ka pipirma ay walang gamutang mangyayari,” sinabi umano ni Efren kay Liliza. Umalis si Efren dala ang mga reseta ni Jane dahil dadalhin raw ito sa opisina ng bus liner.
May 12, 2009 nagdesisyon sina Liza na pansamantalang makitira sa kamag-anak ni Liliza dahil lumalaki na ang bayarin nila sa ospital ng walang nangyayari.
Umabot ng halos limang libong piso ang ‘bayaran nila at wala silang kakayahan bayaran ito. Ang tanging nabigay nila ay isang libong piso para sa paunang bayad at pinapirma na lamang sila ng ospital na nangangakong babayaran ang natitirang utang sa loob ng isang linggo.
Lagi silang tumatawag kay Rodelyn ngunit hindi umano sinasagot ang mga tawag nila.
“Nagpapasalamat kami ng lubos dahil kahit papaano ay nagbigay ng konting ang amo ni Jane.
Maaaring dapat managot sa kasong ito ay ang Philtranco Liner dahil base sa police report sila ang dahilan ng aksidente subalit tungkulin ng A&B Bus Liner na idemanda ang Philtranco para makakuha ng danyos sa mga pinsalang tinamo ng kanilang mga pasahero. Isa na rito ang grabeng nangyari kay Jane.
Ano na rin ang nangyari sa “insurance” ng mga pasaherong nakasakay sa kanilang bus kung saan bago ka payagang makakuha o makapagrehistro ng iyong sasakyan dapat may “third party liabity insurance.”
Maaraming dapat gawin bilang tulong kay Jane. Aalamin naming sa Land Transportation Office (LTO) kung kaninong insurance company nakaseguro ang bus na “involved” sa aksidente.
Makikipag-ugnayan din kami sa Insurance Commission para makatulong na kumolekta sa pinsalang tinamo ni Jane.
SA ILALIM ng “Common Carrier Law” public utilities should “exercise ordinary diligence in the conveyance of their passengers.”
Maaring sila ang binangga subalit kung marunong ang kanilang drayber na control pa rin niya ang kanyang sasakyan para hindi sumalpok sa bakod na ang resulta ng pagkapinsala ng kanyang mga pasahero.
BILANG panghuling pananalita sa kasong ito, hindi maaring brasuhin mo ang mga biktima na nakasakay sa inyong sasakyan na pumirma ng “Affidavit of Desistance” kapalit ang pagpapagamot mo sa kanila. Hindi lamang illegal yan kundi immoral yang gawaing yan.
“Porke’t kapit kami sa patalim hindi naman dapat kaming ipitin ng ganito. Paano ngayon ang aking anak. Pingkaw na nga ang braso at maari na raw tubuan ng laman ang paligid ng kanyang mga nabaling buto,” sabi ni Ruby.
Nakipag-ugnayan din kami sa tanggapan ni Chairman Sergio Valencia ng PCSO upang sila ay matulungan sa pagpapaoperahan si Jane at malagyan ng bakal.
Para sa kanilang mga legal options ni-refer naming sila kay Atty. Alice Vidal para sa “free legal assistance” ng Integrated Bar of the Philippines.
SA MGA MAMBABASA NG CALVENTO FILES, kung kayo ay sumasakay ng bus hangga’t maaari ay huwag kayong uupo sa may bandang bintana. Mas ligtas at “safe” kung nasa bandang gitna kayo ng bus at sa “aisle seat” kayo lalo na kung malayong biyahe ang inyong patutunguhan. (KINALAP NI JOANNE M. DEL ROSARIO)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Email: tocal13@yahoo.com