Hindi tatantanan ng Senado si Connie Paloma, general manager ng CYM International Services and Placement Agency Inc., iba pang opisyal nito at 11 pang ahensiya na nagsabwatan sa pambibiktima sa 137 Pinoy drivers sa Dubai.
Ito ang idineklara ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, sa kanyang nationwide radio program na “Boses ng Masa” na napapakinggan sa DZRH tuwing Byernes, 5:30-6:00 p.m.
Ang 11 ahensiya na kasabwat ng CYM ay ang Across Universe International Manpower Agency, Al Anwar International Manpower Services, Inc., BML Worldwide International Manpower Services, Inc., Bridgewood Human and Recruitment Agency, Dreams Manpower and Recruitment Agency, Experts Placement Agency, Hana Star Corporation, Jenvic International Manpower Services, Richfield Overseas Employment Company, SGA-Shahara International Manpower Services, at Vigor International Manpower Services.
Ayon kay Jinggoy, kailangang humarap sa Senado si Paloma at ang mga kasabwat nito upang idetalye ang kanilang modus operandi. Naalarma rin si Jinggoy sa nabunyag na impormasyon na umabot sa P1.9 milyon ang naging utang ng bawat nabiktimang driver dahil sa mga hokus-pokus at panlilinlang na ginawa nina Paloma sa mga papeles na pilit pinapirmahan sa mga recruit nila bilang kabayaran umano sa placement fee at mga dokumento sa kanilang pag-a-abroad.
Talagang nakapanggigigil ang ginawang panloloko sa mga driver na naghahangad lang naman ng kaunting dagdag na kaginhawahan para sa kanilang pamilya kaya’t nagdesis yong makipagsapalaran sa ibayong-dagat pero inabuso ng mga walang-pusong recruiter. Ang mga ganitong insidente ng pagsasamantala at panlilinlang sa ating mga manggagawa ay tinututukan at inaaksyunan ni Jinggoy. Muli rin niyang iginiit ang mahigpit na pagpapatupad ng polisiyang “no placement fee at no salary deduction” sa lahat ng mga transaksyon sa OFW recruitment dito sa ating bansa at gayundin sa mga bansang pinupuntahan ng ating mga kababayang manggagawa.