NGAYONG may financial crisis sa mundo, lalo naman yatang dumarami ang mga paseguruhan at financing institution na nanggugulang sa buong daigdig. Dahil kaya sa krisis pinansyal kaya sila nagkakaganyan o sila ang dahilan ng krisis?
Kaya ang tanong ng marami, tulad nung mga nabiktima ng mga pre-need scams: May natitira pa kayang matitinong kompanya ng seguro? Ummm..siguro. Sana. Tingin ko, ang nararanasang financial problem ng mundo ay dulot ng mga sakim na finance companies. Nagsamantala para tumabo ng malaki at the expense of their poor clients. Hindi na naawa na habang nagkakamal sila ay marami naman ang naghihirap sa buong mundo. Libu-libo ang nawawalan ng trabaho.
Maiba tayo ng topic na ugnay din sa ganyang isyu: Kamakailan lang ay may insidente ng hi-jacking sa Cavite. Inireklamo sa atin na ayaw magbayad ang insurance company na may hawak ng policy. Ang katuwiran: Hindi naman daw covered ng insurance yung truck na naka-insure.
Ang truck ay pag-aari ng Kasadra Transport Corporation. Ito ay inarkila ng International Heavy Trucks Corporation (IHTC) para humakot ng isang 40-foot container van mula sa Manila International Container Port na dadalhin sa Batangas. Ang laman nito ay “skimmed milk” na idedeliver naman sa Nestle Philippines Inc.
Hinarang ng mga hijacker sa Cavite ang truck at ang driver nito ay ipinasok sa isang puting SUV habang ang trailer ng truck ay inilipat sa ibang truck at nawala na ito na parang bula. Ang IHTC at Kasarda ay magkakapatid na kumpanya at regular na inaarkila ng IHTC ang mga truck ng Kasarda para sa kanilang negosyo. Alam ito ng MAA General Assurance Phils.,Inc., ang insurance company na kinuha ng Kasarda.
Ang halaga ng insurance ng mga truck ng Kasarda at IHTC sa MAA ay umaabot ng sampung milyon (P10M) bawat isa at ang hinihingi lamang ng naka-insure ay tatlo’t kalahating milyon na siyang halaga ng dinugas na kargamento. Sabi ng MAA, dahil IHTC ang may dala ng truck, wala silang sagutin dito kahit nagbabayad ng daang libong premium para sa insurance ang Kasarda. Sagutin na daw iyon ng IHTC.
Ang lagay ba naman, kapag gumamit ka ng ibang driver sa kotse mo at nabangga, wala nang sasagutin ang nagseguro dahil hindi ikaw ang nagmamaneho? Wala yata sa katuwiran ang MAA assurance.
Kukunin na lang ba ng insurer ang bayad sa insurance, pero kapag naaksidente sasabihing wala na silang sagutin dahil asawa natin ang nagmamaneho nang mabangga tayo.
Kung magkagayon, bakit kailangan pang magpa-insure? Ang masakit dito, puwede rin naman daw sila magbayad ng claims, pero hanggang P500,000 lang daw. Aba eh P500,000 din ang ibinayad na premium tapos yun din ang ibabalik?
Grabe. Ginamit na at pinagkakitaan ang pera pero ayaw harapin ang responsibilidad.
Ang lalong masakit, kinakampihan pa umano ng Insurance Commission ang MAA. May katuwiran daw itong huwag magbayad. Kawawa ang mga ordinaryong Pilipino na sa panahon ng kagipitan ay tila wala nang matakbuhan dahil pati gobyerno ay hindi na sila puwedeng idepensa. Mag-isip-isip naman sana ang MAA General Assurance at magka- roon ng habag.