KUNG may pruweba para masabing nagbabago na ang klima ng mundo, eto na siguro iyon. Tinamaan na tayo ng tatlong bagyo, isa ay noong katapusan ng Abril at dalawa sa pagpasok ng Mayo. Dapat ay pinagpapawisan pa tayo dahil sa bagsik ng sinag ng araw. Ang dagat ay dapat punumpuno ng mga taong lumalangoy. Mga bakasyunan ay umaapaw ng turista, maging lokal o mga dayuhan. Pero hindi. Imbis na sinag ng araw ang natatanggap natin, hagupit ng hangin at ulan mula sa bagyo ang natatanggap natin! At natural, kasama na rito ang pagbaha at trapik sa siyudad, na hindi naman masolusyunan ng MMDA.
Mabilis nawala ang lamig ng panahon noong Pebrero, dahil biglang nag-uuulan. Ang sabi ay babalik ito matapos ang hindi ordinaryong pag-ulan. Pero hindi na lumamig. Imbis ay uminit nang husto. Malagkit at maalinsangan ang panahon. Nagtaasan ang konsumo ng kuryente. Pero nang patapos ang Abril, nagsimula muli ang ulan. At eto na nga tayo, binabagyo na. Panay naman ang pahayag ng Pagasa na paglipas ng bagyong Emong, ay gaganda na naman ang panahon. Siguradong marami ang nagdadasal na mangyari nga ito, dahil maraming negosyo ang tinatamaan dahil sa pag-ulan. Sino nga naman ang pupunta sa Boracay kung umuulan? Iyong mga karnabal, patay din ang negosyo kapag umuulan. Mga pasyalan katulad ng Baguio, Subic at Tagaytay, apektado rin.
At kung ganito naman kaaga ang tag-ulan, maaasahan ba natin na magiging mas maaga naman ang tag-init sa susunod na taon? Para kasing napapaaga lahat ng panahon. Huwag naman sana na magkaroon na rin ng niyebe sa bansa natin! Kahit anong ganda pa nito, hindi ito kakayanin ng mga mahihirap kapag maganap. Sabi nga nila, mas mahal magpainit ng bahay, kaysa magpalamig. Mga epekto na nga ba lahat ito ng pagbabago ng panahon, na tayo rin ang may kagagawan?
Matagal nang sinisisi ng nga dalubhasa ang patuloy na pagbuga ng polusyon sa hangin natin. Binabago ng polusyon sa hangin ang pagpasok ng sinag ng araw. Nakukulob daw ito at hindi nakakabalik sa himpapawid. Kaya tuma-taas ang temperatura ng hangin at dagat, na mga sangkap naman ng mga bagyo. Kung hindi natin babaguhin ang mga kaugaliang dumadagdag lang sa polusyon, maaasahan natin na talagang magbabago nang husto ang ating klima. At malamang ito’y pasama, hindi paganda.