P2-M ang binaon ng mga mambabatas sa Vegas
Kahanga-hanga ang lakas na ipinakita ni pambansang kamao Manny “Pacman” Pacquiao ng kanyang pabagsakin sa lona si Ricky “Hit Man” Hatton sa ikalawang round. Nagmistulang tinibang saging na humampas sa canvas si Hatton nang abutin ng sulidong kaliwang kamay ni Pacman. Hehehe! Natapos nang interbyuhin si Pacman ng mga reporter ngunit si Hatton nakatirik pa rin ang mga mata habang inaalo ng kanyang mga kasamahan.
Walang mapagsidlan sa kasiyahan ang ating mga kababayan ng kanilang mapanood ng libre sa mga gymnasium ang makapigil-hiningang sagupaan na inorganisa ng mga pulitikong nagnanais na makakuha ng pogi point para sa 2010 election, hehehe! Paano nga naman, sobrang mahal ang ticket sa mga sinehan para mapanood ng live ang laban at kung sa mga telebisyon mo naman aantayin ay mag-iinit lamang ang iyong ulo sa dami ng komersyal. Di ba mga suki?
Ito ang pinakamaikling laban ni Pacman mula noong 2002 at ito rin ang pinakagrabeng lakas na pinakawalan ni Pacman sa lahat ng kanyang nakalaban sa boxing. Mukhang nag-init ang kamao ni Pacman ng kanyang maramdaman na ginugulangan na siya ni Hatton sa tuwing nakakapit ito sa kanya, hehehe! Kitang kita naman mga suki na sa tuwing makakapit si Hatton kay Pacman ay panay ang suntok nito sa batok kaya maging ang referee ay nagbigay na ng warning.
Masuwerte pa si Hatton dahil sa Las Vegas ang laban dahil kung dito sa Pinas tiyak na binato na siya ng mga manonood, hehehe!
Ngunit ang panggugulang ni Hatton ay nakatakda ng tuldukan kaya sa huling segundo ng round 2 ay pinaka walan ni Pacman ang tila atomic bomb na kaliwang kamao, kaya sa ere pa lang, tulog na si Hatton at patihayang humampas sa lona sa gitna ng ring, hehehe! Tama nga ang kasabihan na ang lahat ng panggugulang sa kapwa ay may hangganan. At iyan ang napala ni Hatton sa ating Pambansang Kamao.
Sa ngayon, taas noo ang Pinoy sa lahat ng sulok ng mundo, dahil hindi lamang pala sa kawalanghiyaan at pandarambong magaling ang ilan nating kababayan, hehehe! Madalas kasi mga suki, laging no.1 ang Pinas sa mga kontrobersya kaya marami tuloy sa ating mga kababayan sa ibang bansa ang naapektuhan sa naturang katagurian. Ngunit sa ngayon ay bumango na ang kapaligiran matapos ipakita ni Pacman ang kanyang galing at pagharian ang pound for pound championship belt. Karapat-dapat gawaran si Pacman ng welcome heroes sa kanyang pagbalik sa bansa dahil malaki ang naitulong niya na maibalik ang salapi ng kaban ng bayan na ginastos ng may 50 mambabatas at ilang Gabinete sa pagtungo ng mga ito sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada Kung nagkataon na natalo si Pacman sa naturang laban tiyak na bankarote na naman ang ating bansa dahil ayon sa aking mga espiya, hindi bababa sa P2-milyon ang binaon ng mga mambabatas sa kanilang biyahe.
Laksa-laksang dolyares ang itinaya ng ilang matataas na opisyales ng pamahalaan nang kanilang sahurin ang mga taya ng mga sugarol sa Las Vegas. Kaya kung nagkataon na natalo si Pacman, tiyak maghihikahos na naman ang ating bansa sa kakulangan ng pondo at tiyak na milyon-milyon na naman ang malilipasan ng gutom. Di ba mga suki! Kaya’t sa panalo ni Pacman, panalo ang sambayanan. Makasisiguro na tayo na maiibsan na ang kagutuman sa ating bansa. Mabuhay ka Manny Pacquiao! Saludo ako sa galing mo at nawa’y dumami pa ang lahi mo! Congratulation!
- Latest
- Trending














