'Meron kaya akong appendicitis?
Dear Dr. Elicaño, madalas pong sumakit ang aking tiyan at ang sakit ay gumagapang hanggang sa aking likuran. Sabi po ng kaibigan ko ay baka raw may appendicitis ako. Ganoon daw po ang naramdaman ng kanyang kapatid na naoperahan sa appendicitis. Kapag nakainom naman ako ng paracetamol ay nawawala na ang sakit. May posibilidad po kaya na may appendicitis ako? —Lorna Dela Fuente Ng Marinduque
Mas maganda kung magpapakunsulta ka sa isang doctor para matiyak mo ang pananakit ng iyong tiyan. Ang doctor lamang ang makapagsasabi ng iyong sakit at hindi ang iyong kaibigan o sino pa man. Huwag kang maniniwala sa sabi-sabi.
Kapag namaga ang appendix tinatawag itong appendicitis. Ang vermiform appendix ay supot na ang haba ay 9-10 centimeters. Alam n’yo ba na ang appendicitis ang pinaka-karaniwang abdominal emergency sa buong mundo.
Ma-babae o ma-lalaki ay apektado ng appendicitis, tanging ang mga bata na may edad na dalawa pababa ang hindi nagkakaroon ng appendicitis. Karaniwang nagkakaroon ng appendicitis ang mga kabataan na may edad 25.
Ang sintomas ng appendicitis ay ang pananakit ng tiyan, mula pusod hanggang sa tagiliran. Mas lalong madarama ang kirot kapag gumagalaw o kaya’y umuubo.
Ang iba pang sintomas ng appendicitis ay ang pagsusuka, kawalan ng panlasa at lagnat.
Ang mga may sintomas ng appendicitis ay nararapat na kumunsulta agad sa doctor para maisagawa ang paggamot dito o ang tinatawag na appendicectomy (surgical removal of appendix). Kapag hindi naopera ang appendix, nasa panganib ang pasyente. Magkakaroon ito ng nana at puputok at magiging gangrenous. Maaaring malason ang iba pang bahagi ng internal organs kapag pinabayaan ang pumutok na appendicitis.
- Latest
- Trending