'Itigil muna ang patayan'
(Kinalap ni Gail De Guzman)
SA ISANG USAPIN kung saan paiiralin ang galit, poot at dahas walang panalo o talo. Pare-pareho kayong malalagasan ng tao. Sabay-sabay ninyong ililibing ang inyong mga mahal sa buhay at ipagagamot ang mga sugatan.
Hindi ba maaring itigil muna ang patayan at makapag-usap ng maayos keysa sa isang madugong gantihan at patayan hanggang sa huling taong nakatayo? Ito ang aking layon kaya isinusulat ko itong seryeng ito!
Isang ginang ang pumunta sa aming tanggapan siya si Gliceria “Ising” Fajardo, 63 taong gulang at nakatira sa Brgy. Simlong, Batangas City.
Ibinahagi niya sa amin ang kwento kung paano at saan nagsimula ang kaguluhan sa kanilang pamilya.
Nagsimula ang lahat sa labanang pulitika. Ang asawa raw ni Ising na si Dante Fajardo ay nagsilbi bilang barangay captain sa loob ng sampung taon kaya marami na umano gustong umagaw sa posisyon nito.
Mayo 1997 nagkaroon ng matinding kalaban si Dante sa pagiging kapitan ng barangay at ito ay sina Numeriano Cumia at Avelino Caraeg.
Nanalo raw sa eleksyon si Cumia nang walang samaan ng loob sa pagitan nila Dante.
“Nagpapasalamat pa nga yung asawa ko dahil sa tagal ng kanyang serbisyo sa barangay nawalan na siya ng panahon para sa amin. Naisip niya na tama na ang sampung taong paglilingkod sa mga tao,” ayon kay Ising.
Setyembre 7, 1997 ay nagulat ang lahat nang malaman nila na pinatay si Cumia. Binaril raw ito ng hindi kilalang lalake habang siya ay nasa loob ng isang ‘owner type jeep’. Kasamang namatay ni Cumia ang kapatid nitong na si Rolando at pamangkin na si Jojo Rayos.
Napag-alaman pa raw nila na bago mapatay si Cumia ay galing ito sa isang ‘meeting’ kung saan kasama niya si Rufo Caraeg, kapatid ni Avelino at ang nanalong ‘number one’ na konsehal ng bayan.
Marami raw ang nakasaksi sa pagpatay kay Cumia.
Depensa ni Ising na nung mga panahon na yun napadaan raw ang anak niya na si Filipina Arce(konsehal din) at asawa nitong si Pio o mas kilala sa pangalang “Jun” sa pinangyarihan ng krimen.
Nakita raw ng mag-asawa ang duguang katawan ni Cumia habang nakaupo ito sa kanyang jeep kaya agad bumaba ang dalawa.
Hindi agad nakapagsampa ng kaso ang pamilya ni Cumia dahil wala umano silang maiturong suspek. Makalipas raw ang isang buwan may lumutang na dalawang testigo sa katauhan nina Panfilo Cabatay at Dante Diola.
Ayon sa Sinumpaang Salaysay ni Cabatay kasama niya raw si Diola nang mapadaan sila sa harap ng tindahan ni Caraeg. Dumaan raw ang jeep ni Cumia at pinara nila ito upang makisabay pero hindi ito pumayag dahil may iba pa raw siyang dadaanan.
“...na noong sila’y makaabante na ay biglang tumigil ulit sapagkat sila ay hindi makakatuloy dahil makipot ang daan na may kasalubong na isang Lite Ace Van. Habang sila po ay nakatigil bigla pong may dumating na Nissan Vanette na pagmamay-ari ni Jun Arce.
Tumigil rin ito at bumaba si Filipina Arce na kasama si Paterno De Castro at isang hindi ko kilala na sinabi ni Filipina na, “iyan si pangulo patayin na ninyo”. Lumapit si Paterno galing sa likuran at binaril si pangulo,”
Pagkatapos raw barilin si Cumia ay tiningnan pa umano ito Dante. Nung natiyak na nila na wala ng buhay si Cumia ay umalis na sila.
Ibinigay naman ni Ising ang sagot nila sa mga akusasyon ng mga testigo.
“Isang sasakyan lang ang nakita sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Ilang minuto pa ang nakalipas tsaka dumating dun si Filipina at Jun at sila pa ang nanguna sa pagtawag ng mga pulis. Nung araw rin na yun ay may sakit ang asawa ko ipinagluto ko pa nga siya,” sabi ni Ising.
Nobyembre 1998 nagsampa ng kasong murder ang pamilya ng biktima sa Batangas Prosecutor’s Office laban kina Dante Sr., Jun at Filipina. Nakasama rin sa kaso ang mga anak ni Ising na sina Dante Jr. at Ruben pero nadismiss rin ito.
Naisampa sa Regional Trial Court Branch 4 ng Batangas ang kaso laban sa tatlo. Habang dinidinig ang kaso ay pansamantala silang nakalaya dahil nagbayad sila ng piyansang nagkakahalaga ng 200,000 pesos bawat isang tao.
Taong 2002 panahon nanaman ng barangay elections. Naisip raw ni Dante na muling tumakbo bilang kapitan ng barangay dahil marami raw nagsasabi sa kanya na hindi nila nagugustuhan ang pamamalakad ni Caraeg. Siya ang pumalit sa pwesto ni Cumia nung ito ay mamatay.
Tatlong linggo bago ang eleksyon kumalat raw ang balita tungkol sa plano ni Dante, may mga nasiyahan at meron rin namang “tumaas ang kilay” sa balitang ito.
Marso 3, 2002 nag-umpisa ang kalbaryo ng pamilya Fajardo. Tinambangan ang owner type jeep nila kung saan nakasakay dun ni Dante, Ising, kapatid ni Dante na si Lourdes Macaraeg at apo nilang si Vernaliza Fajardo.
Galing raw sila sa libing ng tiyuhin ni Ising sa Poblacion, Batangas City. Si Dante ang nagmamaneho habang si Ising ay nasa tabi niya at si Lourdes at Vernaliza naman ang nasa likuran.
Habang dumadaan raw sila sa Sitio Puti, Barangay Tabangcao napansin raw ni Ising na may jeep na nakaparada sa kabilang kalye na tila nag-aabang. Nakita niya rin ang isang lumang kotseng ‘Lancer’ na kulay berde na nakasunod sa kanila.
“Galing sa likod yung sasakyan tapos bigla kaming tinabihan. May isang lalaking may hawak na ‘armalite’ ang lumabas mula sa bintana ng kotse at itunutok kay Dante. Kitang-kita ko nang paputukan sa ulo ang asawa ko ng tatlong beses,” salaysay ni Ising.
Nawalan ng ‘control’ ang kanilang owner kaya bumangga ito sa pader na lupa. Bago sila nabangga ay napansin raw ni Ising na umandar ang isa pang jeep na nakaparada sa kanilang harapan.
“Bago sila tuluyang umalis tumigil muna sila sa tabi ng sasakyan namin at tiningnan ang kalagayan ni Dante. Nung nakita nilang patay na ito tsaka sila umabante,” pahayag ni Ising.
Hindi raw makapaniwala si Ising sa nakita niya dahil kilala niya ang mga tao na nagmamasid sa kanila. Ito raw ay sina Aurello Arce (kapatid ni Jun na kumpare umano ni Rufo Caraeg), Ludigaria Arce (asawa ni Aurello) at isa pa na hindi niya kilala.
Kung akala ninyo dito natigil ang patayan antayin ninyo ang karugtong ng madugong kwentong ito sa MIYERKULES… EKSKLUSIBO…dito lang sa “CALVENTO FILES SA PSNGAYON.”
PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag tinatawagan namin ang mga taong nakaladkad sa kwentong ito na ibigay ang kanilang panig para naman marinig kayo!
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
NAIS NAMING BATIIN ng Happy Birthday si Gail De Guzman ang Chief of Staff namin ni Sec. Raul Gonzalez sa “Hustisya para sa Lahat.”
Sa murang edad ni Gail marami na siyang natulungang mga tao at nabigyan ng pag-asa ang kanilang mga suliranin. God bless you always.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending