EDITORYAL - Lolobo ang mga batang trabahador
NOONG 2001 naitala ang pinakamaraming batang trabahador, apat na milyon! Ayon sa National Statistics Office (NSO) nasa edad lima hanggang pito ang mga batang trabahador at pito sa bawat 10 sa kanila ay nasa rural areas kung saan narito ang karamihan sa kanila. Karamihan sa kanila ay mga nagtatrabaho sa mga pabrika at ang iba naman ay nagpapaalila kapalit ng karampot na bayad. Ayon sa International Labor Organization, mas gusto ng mga nag-ooperate o may-ari ng pabrika ang mga menor-de-edad sapagkat hindi sila nagrereklamo. Sunod na lamang sila nang sunod sa utos at kahit na mababa ang suweldo ay payag sila. Kaya naman gustong-gusto sila ng mga mapagsamantalang may-ari ng pabrika.
Noong 2007 himala namang bumaba ang bilang ng mga batang trabahador, naging 2.29 milyon na lamang. Ito ay sapagkat naging puspusan daw ang kampanya ng gobyerno na supilin ang anumang uri ng child labor sa bansa. Naging maigting daw ang pagwasak ng DOLE sa mga nag-ooperate ng pabrika na ang mga bata ang trabahador. Ang kampanya ay matagumpay sapagkat malaking porsiyento ang nabawas. Ngayong 2007, sinabi ng DOLE na 2.3 milyon ang mga batang trabahador.
Kahirapan ng buhay ang nagtutulak para ang mga bata ay maagang maisingkaw sa pagtatrabaho. Kailangang kumilos para hindi magutom. Subalit masama ang kinatutunguhan sapagkat mas gusto pang magtrabaho na lamang ng mga menor-de-edad kaysa mag-aral. Ang masakit pa, itinutulak na talaga sila ng mga magulang para magtrabaho at kumita. Mura pa ang mga buto ay gusto nang pakinabangan.
Karaniwan nang makikita ngayon sa mga lansangan ang mga batang nagtitinda ng bulaklak, basahan, diyaryo, at marami pang iba sa kalye. Yung iba naman ay lantaran nang nagpapalimos. Kinakatok ang bintana ng mga sasakyan para umamot ng kaunting barya. Iyon ang utos ng kanilang mga magulang.
Ngayong lumulubha ang financial crisis ay inaasahang darami pa ang mga batang trabahador, ayon sa ILO. Tiyak ito at dapat kumilos ang DOLE para mapigilan ang pagsakmal ng mga sakim na may-ari ng pabrika sa mga bata na gagawin nilang trabahador, kapalit ng kaunting barya. Iligtas sila ngayon para maiwasan ang pagdami pa ng mga batang trabahador.
- Latest
- Trending