^

PSN Opinyon

'Panambak na dugo...'

- Tony Calvento -

“DUGUAN NANG MAKITA KO ANG AKING AMA. Tadtad siya ng tama ng bala. Yung kaibigan niya ay nakahandusay at patay sa kalsada at may dalawa pang nasugatan ang isa dito ay babae,” mga katagang paiyak na sinabi sa amin ng isang ginang.

Siya ay si Joan Placido, 29 taong gulang, anim ang anak. Ang kanyang ama na si Lazaro Clemente Placido o mas kilala sa palayaw na “Bagyo” ay biktima ng walang awang pamamaril.

Abril 19, 2008 mga alas 7:30 ng gabi sa Cayetano Boulevard, Barangay Tipas, Taguig City ng biglang nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nila Felizario Esparago o “Jon Jon” at Mecia Nava at Erick de Luna.

Sina Mecia at ang asawa nitong si Jesus Nava ay nagpapagawa ng bahay. May mga order silang panambak upang magamit sa construction. Kapag nagdedeliver ng lupa walang pakundangan inilalaglag ito sa daan na ikinagalit nitong si Jon-Jon dahil natatabunan ang mga alaga nitong halaman.

Matapos ang konting palitan ng hindi magandang salita minabuti na ni Lazaro (Bagyo) na umiwas na lang at niyaya ang kanyang kaibigan na si Danilo Dizon na taga Bagong Calzada, Tipas, Taguig City na umalis na.

Akala umano nila na tapos na ang lahat ngunit sinundan pala sila nitong si Eric na maangas na naghahamon ng away. May dala itong tubo at hinampas si Jon Jon. Nakaiwas naman si Jon-Jon at hindi nata­maan.

Dumipensa umano si Jon Jon at nagkagulo na dahil nakialam naman ang kasama nitong si Jesus nang umuwi ng bahay at pagbalik nito ay may dala ng baril.

Bigla na lamang namaril si Jesus at una ng tinamaan si Jon-Jon na agad nitong ikinamatay at si Lazaro (Bagyo) naman ay malubhang nasugatan.

Si Danny naman ay tinamaan sa hita. Ang asawa naman ni Jon-Jon na si Simeona o Monay sa balikat naman ang tama, Itinakbo sila sa Rizal Medical Center sa Pasig City. Makalipas ang dalawang araw namatay si Lazaro (Bagyo) sa ospital.

Ayon sa ‘Medico Legal Certificate’ na ipinakita sa amin ni Joan ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang ama ay,..

‘Multiple gun shot wounds, point of entry, left preauricular area, point of exit, right cheek, s/p “e” wound, exploration, e tracheostomy; cp arrest sec. to MI; Multiple organ failure sec. to massive blood loss sec. to MGSW’

SA ISANG sinumpaang salaysay na ibinigay ni Danny Dizon idinetalye niya ang mga pangyayari.

“Ganito sir ang nangyari, nag-uusap-usap kami nila Jon Jon at Bagyo tungkol nga Sir sa mga panambak ni Jesus Nava na nakaharang sa daanan. Ang ginawa naming tatlo ay nilapitan namin yong asawa ni Jesus na si Mecia at Erick pati na rin yong mga nagbababa ng panambak at kinakausap na huwag namang iharang sa daanan yong mga panambak nilang ibinababa. Matapos namang masabi ito kay Mecia at Erick ay umalis na kami at bumalik kami sa aking bahay. Ilang sandali lamang ay nilusob na kami nila Jesus, asawa niyang si Mecia at Erick kasunod nito ay hinahamon na kami ng away nila Jesus at Erick. Tapos ay nasundan na ng pamamaril sa aming lahat. Matapos akong tamaan sa kanang hita ay bumagsak ako samantalang yong mga kasama kong sina Jon Jon at Bagyo ay napuruhan at namatay sa dami ng sunod sunod na putok na baril na ginawa sa amin. Pati yung asawa ni Jon Jon na si Monay ay tinamaan din.” Ayon sa sinumpaang salaysay ni Danny kay SPO1 Conrado P. Mapili noong May 22, 2008 sa Taguig City Police Station.

Tumestigo rin ang asawa ni Danilo na si Marilou na nakakita ng pangyayari. Nakatayo siya sa harap ng bahay nila ng maganap ang pamamaril.

Sinumpaan niya ang kanyang salaysay ay ibinigay kay SPO1 Conrado Mapili noong April 20, 2008 ng mga alas 12:30 ng madaling araw sa Investigation and Detective Management Section, ganito ang nilalaman.

“Ganito po ang nangyari sir, nandun ako sa labas ng aming bahay at nakita ko yung pagtatalo ni Jon Jon at Jesus Nava. Narinig kong nagtatalo sila tungkol sa mga panambak na ibinababa nila Jesus Nava o mas kilalang Jess na kung saan ay natabunan yong mga pananim ni Jon Jon. Ilang sandali lang ay umalis na itong si Jesus Nava at naiwan nga si Erick de Luna na naghahamon ng away kila Jon Jon, Bagyo at asawa kong si Danilo. Makalipas ang limang minuto ay bumalik itong si Jesus Nava aka Jess at pinagbabaril na sila Jon Jon, Bagyo, asawa kong si Danilo at pati yung asawa ni Jon Jon na si Simeona na aawat sana ay binaril din niya. Nang makita kong duguan at sugatan na sila Jon Jon, Bagyo, Simeona at asawa kong si Danilo ay agad akong humingi ng saklolo sa aming mga kapitbahay kaya tinulungan nila ako magdala yong mga tinamaan ng baril sa hospital pero si Jon Jon ay namatay na sa lugar na pinagbarilan sa kanya.”

Hindi daw ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa madugong away itong si Jess. Ayon kay Joan nakapatay na umano si Jess at ito ang dahilan kung bakit lumipat sila sa Tipas, Taguig City.

May record daw ito ng pagpatay sa San Fernando, Masbate.

Sanay na raw pumatay ng tao itong si Jess at balewala na para sa kanya umano ang buhay ng tao.

SA NGAYON nasa Prosecutor’s Office ng Taguig at sumasailalim sa isang Preliminary Investigation. Binigyan namin siya ng ‘referral’ sa tanggapan ni Senior State Prosecutor Archie Manabat, ang City Prosecutor ng Taguig upang mailabas na ang resolusyon ng kasong ito na kahapon ay isang taon na ang nakararaan.

Bukod sa bigat ng dibdib na mawalan ng ama si Joan nagsisi siya na hindi sila naging ganun ka magkalapit ng kanyang ama.

Maaga kasi itong nabuntis na ikinagalit ng kanyang ama. Dala na rin ng hiya at takot ang ginawa ni Joan ay bumukod silang mag-asawa at ang kanilang mga anak.

Matagal nang binabalak ni Joan na lumapit sa ama para maibalik ang dating init ng pagmamahalan ng isang anak na babae sa kanyang ama.

“Huli na ang lahat. Hindi ko na masasabi sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin sana nung nabubuhay siya. Alam ko kung nasaan man siya ngayon, alam ng aking ama kung gaano ko siya ka mahal. Ipakikita ko sa kanya ito sa pakikipaglaban na makamit niya ang hustisya sa brutal na pagkamatay na sinapit niya,” mariing sinabi ni Joan.

PARA SA MGA BIKTIMA ng krimen o may legal problems maari kayong tumawag sa 6387285, o magtext sa 09213263166 o sa 09198972854. Maari din kayong pumunta 5th Floor, CityState Center Building, Shaw Boulevard, Pasig City. (KINALAP NI ANNE MACTAL)

* * *

Email address: [email protected]

AMA

ASAWA

BAGYO

DANILO

ERICK

JESUS

JESUS NAVA

JON

JON JON

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with