MAY mga tao na talagang likas na ang kasamaan sa buto, na walang pakialam kung ano ang mangyari sa kapwa niya basta’t kumita lang ng pera. Ito ang CYM International Services and Placement Agency Inc., ang nag-recruit sa 137 draybers ng bus na ngayo’y stranded na sa Dubai, at dahil ilang buwan na wala silang mapuntahan o mapasukang trabaho at hindi naman tinutulungan din ng gobyerno ng Dubai, napipilitan na silang humanap ng pagkain sa isang tambakan na ala Smokey Mountain! Naglabas na nga sila ng P150,000 para ibayad sa recruiter at makapunta sa Dubai, tapos ganito ang sinapit nila!
Kampante ang mga drayber na mag-apply ng trabaho sa kompanyang ito dahil lehitimong kompanya na lisensyado pa sa POEA! Sino naman sa kanila ang mag-iisip na lolokohin sila kung may basbas ng POEA? Kaya may pananagutan rin ang POEA ukol sa nangyari sa mga drayber. Dapat malaman kung may taga-POEA na kasabwat ang kumpanyang ito. Kung kahina-hinala ang operasyon nila, hindi na dapat nabigyan ng lisensiya. Talagang hindi puwedeng magtiwala na lang basta-basta, kahit sa mga opisyal at lehitimong kompanya pa!
At akala ko ba ay maraming trabaho ang naghihintay sa Dubai para sa mga Pilipino? Ito’y nanggaling pa kay President Arroyo nang makabalik mula sa Dubai. Higit 200,000 trabaho raw ang naghihintay para sa mga Pilipino. Eh kung itong 137 na drayber ng bus hindi nga maasikaso ng gobyerno ng Dubai, 200,000 pa kaya? Baka naman may maling bumulong na naman sa Pre sidente, kaya kinakain na naman niya ang mga salita niya katulad noong sinabi niya na binagsak na ng mga telcos ang singil nila sa text. Sana ay habang nasa Dubai na ang Presidente, ay inilapit na kaagad ang sitwasyon ng mga kababayan natin doon at nagawan na ng paraan. Pero dahil hindi naman mga VIP ang nagkaproblema, hindi na umabot kaagad sa balita.
Napakahirap talaga maging ordinaryong mamamayan sa Pilipinas. Kailangan may masama pang mangyari sa iyo bago ka bigyan ng pansin ng mga awtoridad! Parang yung kakahanap pa lang na eroplano ng Chemtrad. Mga kamag-anak pa ang nakahanap, at hindi mga awtoridad. Dahil ba hindi naman mga miyembro ng staff ng Palasyo kaya hindi na pinag-tiyagang hanapin ng masinsinan? Kung ganun, wala nang maaasahan ang mga bihag ng mga pirata sa Somalia na mga Pilipinong mandaragat, na halos 100 na rin ang bilang! Kawawa naman ang mga Pilipino!