“Kung ikaw kaya ang sipain ng kabayo, ano ang mararamdaman mo…” Ito ang matigas na katwiran ni Sen. Chiz Escudero sa interview ng BITAG sa kanyang tanggapan nitong Miyerkules ng hapon.
Minarapat na kapanayamin ng aming grupo si Sen. Escudero upang alamin kung ano ang mga napapaloob sa batas na Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act.
Ang batas na nagbabawal sa mga gawaing may kinalaman sa pagmamalupit sa mga hayop katulad ng horse fighting.
Kung may pangil nga ba ang batas na ito dahil sa lantarang labanan ng kabayo na nagaganap sa ilang bayan at lalawigan sa pulo ng Mindanao.
Diretsahan niyang sinabi sa BITAG, may batas tayo na dapat sundin subalit hindi umiiral.
Walang paliguy-ligoy na sinabi ni Sen. Escudero na wala namang problema sa batas kung ito ay sinusunod lamang subalit ang isang malaking tanong, sino ang dapat na mga nagpapatupad nito.
Ayon kay Sen. Escudero, may tinatawag na Animal Welfare Committee na kinabibilangan ng Department of Interior and Local Government, Bureau of Animal and Industry at marami pang iba.
Ang komiteng ito ang katulong ng gobyerno sa pagpapatupad o implementasyon ng R.A 8485. Subalit dagdag pa ni Sen. Escudero, nagtuturuan ang mga ito kung sino at paano ipapatupad ang batas na ito.
Dito, nangako si Sen. Escudero na sisilipin nilang mabuti ang batas at kakalampagin ang dapat kumilos sa pagpapatupad ng batas na ito.
Nilinaw pa ni Sen. Escudero na hindi kailanman katwiran ang tradisyon, cultural at ispiritwal na dahilan upang isagawa ang horse fighting lalo na’t kung ito ay may halong pustahan o sugal.
Wala naman raw nasusulat na nasa tradisyon, kultura at ispiritual na aspeto ng mga Pilipino ang mag sugal kaya ika nga ‘‘no excuses”. Malinaw sa batas ito ay unlawfull act, ipi nagbabawal sa ating bansa.
Ngayong Sabado ng gabi sa BITAG, ipakikita ng aming programa ang lantaran at walang habas na pagsasagawa ng horse fighting magmula sa Bu- kidnon, hanggang sa Davao del Norte.