KASO ito ni Marcos na kawani ng National Irrigation Administration. Nagsimula siya bilang isang laborer at umangat sa puwesto hanggang maging Civil Engineer II sa isang distrito (SED) ng DPWH. Sa katunayan, nakatanggap pa nga siya ng halagang P1,500 bilang gantimpala sa 10 taong tuluy-tuloy na serbisyo sa DPWH. Inirekomenda rin siya para maging Engineer III sa SED ng DPWH.
Samantala, natuklasan na upang makuha niya ang gantimpala at ang promosyon, nagsumite si Marcos ng tatlong magkakaibang Personal Data Sheet – PDS/Civil Service Form 212, noong Disyembre 20, 1988, Marso 2, 1992 at 1994. Napag-alaman na magkakaiba ang laman ng tatlong PDS tungkol sa tinutukoy niyang pagtatrabaho mula 1984 hanggang 1986. Ayon sa pangalawang aplikasyon, nagtrabaho siya sa Philippine Japan Highway Loan Division ng DPWH Region 8 mula May 1, 1984 hanggang Oktubre 1986 samantalang sa pangatlong aplikasyon, nakalagay naman na nakaliban siya sa trabaho bilang City Engineer ng DPWH Region 8 mula Enero 1,1984 hanggang Oktubre 9, 1986 at katunayan ay nagtatrabaho siya noon sa PHILPOS Bagacay Mines ayon naman sa kanyang unang aplikasyon.
Nang kasuhan siya ng pagpapalsipika sa mga dokumento, pagsisinungaling o panloloko at pagkilos na hindi naaayon sa batas. Napatunayan ng Civil Service Commission na nagkasala siya at tinanggal sa trabaho. Nang umapela, idineklara ng Court of Appeals na gu mawa siya ng panloloko ngunit imbes na tanggalin sa trabaho, sinuspinde lamang siya ng isang taon na walang suweldo base sa sumusunod: 1) Nagtrabaho si Marcos sa gobyerno sa loob ng mahigit 20 taon; 2) ito ang kauna-unahan niyang pagkakasala; 3) nagsimula siya bilang laborer hang gang umangat siya sa posisyon at maging Engineer II ng SED-DPWH at 4) isinoli naman niya ang gantimpalang P1,500 na kanyang natanggap. Tama ba ang CA?
TAMA. Bagama’t ayon sa Section 53A (1) Civil Service Rules ang dishonesty ay isang mabigat na kasalanan na dapat patawan ng parusang pagkakatanggal sa trabaho kahit pa nga unang beses pa lamang ginawa, sinasaad din sa Sec. 53 na sa pagbibigay ng parusa, dapat din ikonsidera sa pagpataw ng parusa ang mga sirkumstansiya na maaaring makapagpababa nito o ang tinatawag na mitigating circumstances tulad halimbawa ng tagal niya sa serbisyo, dami ng beses na ginawa niya ang kasalanan at iba pa. Sa kaso ni Marcos, ang 20 taon niyang pagseserbisyo sa gobyerno na walang masamang rekord pati na ang pagsasauli niya sa gantimpalang P1,500 ay sapat na upang pababain ang kanyang parusa mula sa pagkakatanggal sa serbisyo hanggang sa parusa lamang na isang taon na suspindehin sa trabaho na walang bayad. Binabalaan si Marcos na sa oras na gumawa siya ng katulad na paglabag ay talagang mas mabigat na parusa ang ipapataw sa kanya (Miel vs. Malindog, G.R. No. 143538, February 13, 2009).