NAGULANTANG ang BITAG sa tawag na natanggap ko kahapon ng umaga. Ang nagrereklamong si Ruchel na dating empleyado ng Tambunting, inaresto sa bahay nito sa Tondo, Manila.
Sa gitna ng aking programang BITAG Live sa UNTV kahapon, nasa Manila Police District ang BITAG correspondent na si Willie Delgado upang alamin ang estado ng pag-aresto.
Ayon kay Maj. Rolando Balasabas, nakatanggap ang kanilang tanggapan nitong Abril 7 lamang ng Alias Warrant of Arrest laban kay Ruchel Gesta sa kasong tax evasion.
Sa katotohanan, may kaso ngang Run After Tax Evasion (RATE) si Ruchel na isinampa ng Bureau of Internal Revenue, Albay Bicol.
Ito ay dahil sa ginamit ng Tambunting management Holdings Inc. ang pangalan ni Ruchel bilang Presidente ng isa nilang pawnshop sa Albay, ang Galleon Pawnshop.
Ginawa siyang dummy ng kumpanyang Tambunting para linlangin ang gobyerno sa kanilang pananagutan kaya’t nitong nagkaproblema na, si Ruchel ang nakasuhan, siya rin ang nasa selda.
Naikulong na si Ruchel sa National Bureau of Investigation sa Maynila, Nobyembre nitong nakaraang taon. Dahil sa bisa ng dalawampung libong pisong piyansa, pansamantala siyang nakalaya.
Subalit, nakaiskedyul na sanang lumipad ngayong linggong ito ang BITAG upang samahan si Ruchel papuntang Bicol, Albay, bumulaga naman ang nasabing panibagong pag-aresto.
Kumplikado ang legalidad ng kasong ito lalo na’t isang walang kamalay-malay na biktima ang patuloy na nagdurusa sa kawalanghiyaan ng iba.
Kayo sa Tambunting na hanggang sa ngayon ay patay-malisya sa isyung ito, kung may kaluluwa’t konsensiya pa kayo, tulungan niyo ang dati niyong empleyadong si Ruchel.
Kung hindi sa katiwaliang ginawa ninyo, hindi magdurusa ang pobre. Kayo ang magpiyansa sa kaniya na kasalukuyang nasa MPD ngayon.
Gayundin, nananawagan ang BITAG sa sinumang nais na tumulong sa kalagayan ni Ruchel at sa kanyang pansamantalang kalayaan, makipag-ugnayan sa mga numerong makikita sa ibaba ng kolum.
Hindi pa kami tapos, lalong nanggigigil ang BITAG na tugisin ang dapat managot sa problemang ito.