'Isang Mintis Lang...'
MAGBIRO KA NA SA LASING... huwag lang sa bagong gising. Lalu na’t masama ang gising ng isang taong mainitin ang ulo.
Lumapit sa aming tanggapan si Mercedita Mote, 50 taong gulang upang idulog ang pagkamatay ng kanyang asawa na si Marcelino Mote. Si Marcelino ay 44 taong gulang, na may limang anak kay Mercedita at magsasaka sa Tiaong,Quezon.
Disyembre 15, 2002 bandang alas kwatro y medya ng umaga nang magtungo si Marcelino sa handa ng kasal ni Jose Carandang at Nerisa Martinez na pamangkin ni Mercedita.
Ayon sa salaysay ni Mercedita hindi sinasadya na masagi ng kanyang asawa sa tuhod si Wilfredo Osmillo habang ito ay natutulog sa pinagdikit-dikit na upuan.
Inakala ni Marcelino na hindi nagalit sa kanya si Wilfredo pero sinundan pala siya ni Wilfredo sa kusina.
Nung mga oras na yun ay nagtitinda naman si Mercedita at ang kapatid nitong si Evelyn Urbina sa labas ng reception dahil dun ay maraming tao.
Nagulat na lamang ang lahat ng may narinig sila ng mga putok ng baril na nagmula sa loob ng reception.
Narinig rin ito ni Mercedita kasabay ng mga sigawan ng mga tao na ‘Si Pareng Seleng... si Seleng!’
Dali-daling tumakbo paloob ng kusina si Mercedita at dun ay nakita niya na si Wilfredo na may hawak na baril. Nakita rin niya ang pagbagsak ng kanyang asawa kaya nilapitan niya ito agad.
Bigla namang tumakas itong si Wilfredo sa kusina at tumakbo papunta sa dilim.
Humingi ng tulong si Mercedita sa kanyang mga kapatid at agad nilang isinakay sa jeep si Marcelino upang dalhin sa Hospital de Solidad sa Tiaong Quezon.
Dead on arrival (DOA) si Marcelino matapos suriin ng mga doktor sa emergency room .
Inautopsy si Marcelino sa Funeraria Lopez.
Ayon kay Mercedita may mga tama ng bala ang kanyang asawa at ito ay sa kaliwang balikat, ilalim na kaliwang kili-kili, ilalim ng kaliwang dibdib, kaliwang tagiliran at kaliwang beywang.
Mula sa findings ni Dr. Pedro P. Landicho na Municipal Health Officer ng Tiaong, Quezon na ang ‘cause of death’ ni Marcelino ay ‘Hemorrhagic shock secondary to MULTIPLE gun shot wounds thorax and abdomen.’
Disyembre 18, 2002 inilibing si Marcelino sa Tiaong, Quezon Municipal Cemetery. Makalipas ang isang araw nagsampa si Mercedita ng kasong Murder sa Regional Trial Court Branch 60 ng Lucena City.
“Naputol ang dating maayos na ugnayan namin sa mga magulang ni Wilfredo. Matapos mangyari ang insidente ay hindi man lang sila lumapit para makipag-usap man lang sa pamilya namin.”
Kahit pinapadalhan ng ‘subpoena’ si Wilfredo ay hindi nito sinipot ang mga preliminary investigation.
Nobyembre 24, 2003 ng maglabas ng ‘Warrant of Arrest’ si Judge Stephen C. Cruz.
Ayon kay Mercedita nasabi sa kanya ng kanyang bayaw na si Richardo Mote na kasalukuyang tumitigil sa Sariaya, Quezon si Wilfredo kaya naman agad siyang nakipag-ugnayan sa mga pulis ng Sariaya sa pag-asang madakip ito.
Kasama sa mga grupo ng mga pulis na magsasagawa ng “raid” sa Sariaya ay ang isang ‘photographer’ ng munisipyo na si Medik Manalo.
Dalawang tao ang nakita nila sa bukid at positibo sila na ang isa dito ay si Wilfredo. Tumakbo ang isang lalake kaya naman hinabol ito ng mga pulis sa pag-aakalang ito ay si Wilfredo ngunit ibang tao pala ito.
Lumalabas na dahil natakot yung tao kaya siya tumakbo ng makita niya ang mga pulis na may mga kasama. Walang suspek na nahuli. Taong 2004 ng muling may nalamang impormasyon si Richardo tungkol sa kinaroroonan ni Wilfredo.
Sinabi nito na nasa Batangas naman si Wilfredo kaya naman nakipag ugnayan sila sa mga pulis sa lugar na yun.
Muli silang umaksyon at ni-’raid’ ang nasabing lugar na pinagtatrabahuhan ni Wilfredo. Taga hatid raw ito ng mga itlog na produkto ng isang manukan.
Nagkasalisi sina Wilfredo at ang mga pulis na magsasagawa ng raid. Pagdating nila ay kakaalis lang raw ni Wilfredo upang magdeliver ng itlog.
Taong 2008 ay nalaman ni Mercedita na nasa San Joaquin, Tagiug City si Wilfredo. Muling nakipag-ugnayan si Mercedita sa mga pulis ng Tiaong para madakip si Wilfredo.
Hindi na nagdalawang isip si Mercedita na sumama sa pagre-raid upang makasigurado sa mga pangyayari.
May pakiramdam na natitimbrehan si Wilfredo kaya di mahuli ito.
Malakas ang kutob niya na itong “photographer” na si Medik ang nagbibigay ng impormasyon subalit todo tanggi naman itong huli.
“Sus! kahit na kamag-anak ako, kaparehas pa rin ako,” pahayag ni Medik.
Dumating sila sa lugar ng pinagtitindahan ng lugaw ni Wilfredo ngunit sila ay nabigo na makita ito.
MGA MAMBABASA ng “Calvento Files” naiintindihan ko na sa sakit ng loob ng pamilya ng biktima kaya’t lahat gagawin para mahuli agad ang suspek ng mabigyan ng hustisya ang kanilang mahal sa buhay.
Hindi madali manghuli ng suspek at kahit sinong alagad ng batas magsasabi sa inyo niyan. Kailangan siguruhin, pahinugin ang ano mang impormasyon na ibibigay sa atin dahil ISANG MINTIS LANG, sunog na ang operasyon at balik kang muli sa umpisa.
Pinayuhan namin si Mercedita na kumuha muna ng ‘Arrest Warrant’ sa Regional Trial Court Branch 60 ng Lucena City para sa mabilis at tuluyang pagdakip kay Wilfredo.
Ipinangako namin kay Mercedita na gagawin namin ang lahat at sa tulong ninyo, mga mambabasa ng pitak na ito mahuhuli yang si Wilfredo. (Kinalap ni Den Viaña)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email: [email protected]
- Latest
- Trending