Ang 'moral force' ni Chief Justice Puno
KUNG mayroong “Bangon Bagong Pilipinas Movement” si Bro. Eddie Villanueva, inilunsad naman ni Chief Justice Reynato Puno kamakailan ang kanyang moral force movement.
Kapwa kontra sa corruption ang dalawang kilusang nabanggit. Si Bro. Eddie ay lantaran at direkta kung umupak sa mga katiwalian sa administrasyong Arroyo. Samantala, si CJ Puno ay humahaplit din sa katiwalian sa pamahalaan ngunit hindi direktang makabanat sa Pangulo dahil bahagi pa rin siya ng pamahalaan bilang Punong Mahistrado. Bago siya makabanat ng todo-todo, kailangang magbitiw siya sa puwesto.
Gayunman, bagamat bahagi siya ng pamahalaan, kahanga-hanga ang independent mindedness na ipinakikita ni Puno sa kanyang mga desisyon kahit salungat sa gustong pamahalaan. Hindi siya kayang paikutin. Isa rin siyang taong may pitagan at takot sa Diyos. Kaya mahirap din naman kung magbibitiw si Puno sa kanyang puwesto dahil baka maging oportunidad sa administrasyon para katigan ng pinakamataas na Korte ang mga kapritso nito lalu na ang may kinalaman sa Charter Change.
Ang bagay namang kahanga-hanga kay Bro. Eddie ay ang tahasang pagtanggi niya nang alukin siya ni Presidente Gloria Arroyo na maging anti-corruption czar. Humingi si Bro. Eddie ng kondisyong alam niyang hindi ibibigay ng pamahalaan. Ito ang blanket authority para makapag-appoint ng mga pinuno sa mga kritikal na ahensya ng pamahalaan na pugad ng korapsyon. Dahil diyan ay hindi na nagpumilit ang administrasyon na makuha siya bilang anti-corruption czar.
Maganda na mayroon mga kilusan na may tapat na layuning masugpo ang corruption sa bansa.
Kaya lang, mas mabuti kung magsasanib ng puwersa ang mga grupong ito dahil totoo ang kasabihang may lakas sa pagkakaisa.
- Latest
- Trending