ANIMO’Y boxing na mapapanood sa telebisyon, may audience, commentator, mananaya at may opening pang national anthem. Ganito ang eksena sa derby ng KABAYO sa Sta. Maria, Davao Del Norte.
Ang nakakatawa rito, sa kabila ng batas na Republic Act 8485 o Animal Welfare Act na nagbabawal sa horse fighting, bulgaran ang aktibidades na ito sa lalawigan ng Sta. Maria sa Davao.
Napasok ng BITAG at aktuwal na nasaksihan ng aming grupo ang kalupitan ng mga nasa likod ng horse fighting, kabilang na rito ang organizer ng nasabing derby, ang mga manonood at mananaya.
Mas matindi ang bakbakan at pag-aaway ng mga kabayo, mas malakas ang hiyawan. Habang mas nasusugatan ang talunang kabayo, lumalaki naman ang pustahan.
Sinasabi na ang horse fighting ay tradisyon lamang at ginaganap tuwing may fiesta. Subalit nang mag-imbestiga ang BITAG, Hunyo pa ang buwan ng fiesta sa Sta. Maria.
Hindi ito ordinaryong horse fighting lamang dahil tat-long araw itong ginaganap na may kategorya pang preliminary o entrée, semis at grand event.
Sa bawat araw o kategorya, pitong laban ang nagaganap. Ibig sabihin pitong kabayo ang nasusugatan o mas malala na mamamatay kada araw ng laban.
Ayon sa Network for Animals, matagal nang ipinagba-wal ito sa ating bansa dahil isa itong uri ng pagmamaltrato sa hayop.
Aalagaan mo, pakakainin, bibigyan ng bitamina at palalakasin subalit sa huli ga gawin mong panlaban upang pagkakitaan. Likas na sa kabayo ang pagiging malakas, ginagamit pa nga natin itong mga Pinoy sa transportasyon, panlibangan at pantulong sa ating trabaho o mga gawain.
Subalit kung gagamitin sila sa kapritso, sugal at pakikipaglaban, ibang usapan na ito para sa BITAG.
Simula pa lamang ito ng aming imbestigasyon, tinatawagan namin ng atensiyon ang Department of Interior and Local Government at Department of Tourism sa kasong ito.
Ano pa ang silbi ng ba-tas R.A 8485? Abangan!