EDITORYAL - Tiyakin ang kaligtasan ng LRT commuters
NOON pa man marami nang pagpuna, batikos at suhestiyon ang pinaaabot ng mga concerned citizens at grupo sa pamunuan ng Light Rail Transit para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero. Isa na riyan ay ang suhestiyon na lagyan ng harang ang gilid o platapormang malapit sa riles para walang masagi o madagil na pasahero. Pero tayngang kawali ang LRT management. Walang pagbabago sa sistema kaya naman malapit sa disgrasya ang sinumang tao na nasa LRT station.
Kung may harang ang gilid, hindi sana nakatalon sa riles ang isang babae na balak magpasagasa sa paparating na train. Tumalon ang babae pero suwerteng hindi nasagasaan. Gasgas lamang sa braso ang natamo ng babae na nakilalang si Teresa Tagle. Umano’y hindi malaman ni Tagle kung bakit siya nagtungo sa Tayuman Station. Unang nireport na kakasuhan ng LRT si Tagle pero binawi rin ito. Umano’y may signs ng depression si Tagle kaya nagawang tumalon sa riles.
Ang himalang pagkakaligtas ni Tagle ay magandang paalala sa pamunuan ng LRT para bigyan ng proteksiyon ang mga pasahero. Isang paalala na lagyan ng harang ang gilid para walang makababa o kaya ay makatalon na pasahero. Ang masaklap, ang pasahero pa pala ang kakasuhan sakaling siya ay malaglag sa riles. Mahigpit daw na ipinagbabawal ang pagpunta sa riles. E paano nga kung aksidenteng nahulog doon dahil wala namang harang? Ayon sa pamunuan ng LRT, P50,000 ang multa sa sinumang tao na tumawid sa riles o tumalon doon.
Araw-araw, maraming pasahero ang LRT. Sa dami ng pasahero ay umaapaw at siyempre, malaki rin ang perang kinikita. Subalit ang tanong, ligtas ba ang mga pasahero habang sila ay nag-aabang sa mga station? Sigurado bang hindi sila mapapahamak sakaling magkaroon ng pagsisiksikan o pag-aagawan?
Kumikita ang LRT pero nasa panganib ang mga pasahero. Dapat lagyan ng harang ang gilid o rampa para masigurong walang pasaherong mahuhulog doon kapag nagkatulakan o nagkagitgitan. Maglaan ng espasyo para sa pintuan lamang ng train at kahit magtulakan, walang mahuhulog.
Huwag nang hintayin pa ng LRT management na may mahulog, tumalon para magpakamatay sa riles. Baguhin ang lumang sistema sa LRT.
- Latest
- Trending

















