Bagong senakulo

Nasa entablado ang mga artista

Nang sila’y magpugay palakpakan muna;

Pero nang lumabas ang tunay na bida

Mga manonood ay biglang nag-iba!

Nagsigawang lahat mga manonood –

Kanya-kanyang kuha ng mga pamaltok;

Bawa’t mahawakang matigas malambot

Nagsilbing pambato sa sama ng loob!

Binastos, binato ang bidang babae

Sinunog pa mandin ang kanyang epigy;

Ang iba’y umuwi na kagat ang labi’t

Itong atin bida’y sinumpang mabuti!

Disempleo’t krimen, pati kalamidad

Mga pagkagutom, mga paghihirap –

Mga anomalyang naglabasan kagyat

Sa mga artista’y isinaboy lahat!

Tumaas bumaba ang mahabang telon –

Ang mga artista’y hindi umuurong;

Sa kanilang papel sila’y tumutugon

At pati ang bida’y sugatang narooon!

Itong ating bida’y tumayong matatag

Na hindi natakot sa mga pangahas;

Nalalaman niyang kung siya’y iiwas

Baka itong bansa ang biglang bumagsak!

Bagong Senakulo’y hanggang 2010

Nagdurusa pa rin mga bida natin;

Mga pag-atake kahi’t matatalim

Tinutupad pa rin ang kanilang papel!

“Gobyerno ng ating bansang Pilipinas”

titulo ng ating dramang magwawakas;

ang mga tauhan kahi’t naghihirap –

nagtitiis pa rin nang maraming hampas!

Bagong Senakulo’y matatapos na nga –

Ang tanong ay sino ang papalit kaya?

Marami ang hangad sila’y maging bida –

Baka sumpain din – saka ipako pa!

Show comments