Napalpak ang pre-need plans dahil masyadong inabuso
Tumatagal na nang husto ang ginagawang imbestigasyon ng Senado sa Legacy group of companies na pag-aari ni Celso delos Angeles. Lumalabas na malaki ang kasalanan ni Delos Angeles dahil ginamit nito ang perang dapat ay naka-deposit sa trust fund ng Legacy pre-need plans. Ayon sa regulasyon ng Securities and Exchange Commission (SEC), hindi dapat galawin ninuman ang pera sa trust fund maliban sa trustee na malimit ay mga banko sapagkat ito ang nakareserba upang sumagot sa pagbabayad ng benepisyo na ibinibigay sa mga planholder.
Bago nabuking si De los Angeles, marami nang mga pre-need plan companies ang iniharap sa imbestigasyon. Maraming planholder ang mga nagreklamo dahil hindi nila nakuha ang mga ipinangako sa kanila na katulad ng naaayon sa educational plan na pinirmahan nila. Nabulgar ang mga kompanyang katulad ng College Assurance Plan (CAP) at Pacific Plans.
Dumami na nang husto ang pre-need plans na katulad ng memorial plan, educational plan at pension plan. Dahil nakita nilang pagkakakitaan nila nang malaki ang negosyong ito, maraming kompanya ang pumasok dito sapagkat nakitaan nila ng butas na puwede nilang paglaruan ang trust fund ng pre-need plan companies. Puwedeng gamitin nila sa pampersonal na bagay o sa pagpapalago sa iba nilang kompanya.
Hindi alam sa Amerika ang pre-need plans sa Pilipinas dahil sa wala namang ganitong klaseng pre-need plans dito o sa ibang lugar sa mundo. Talagang mga Pinoy lamang ang nagpasimula nito noon pang dekada ’60 at ’70. Napakaganda sana ng simulain at intensiyon ng mga pre-need plans. Nilagyan pa nga ng mga taong nag-umpisa nito nang pang-siguridad at ito nga ang trust fund. Kung tutuusin, marami na rin naman ang nakinabang nito sa mga kababayan natin. Ang problema nga lamang ay mayroong mga lumabag sa regulasyon ng trust fund at ng SEC, ang ahensiya ng gobyerno na dapat sumusubaybay at gumuguwardiya sa mga pre-need plans.
- Latest
- Trending