NOONG 1987, pumirma sa isang kasunduan (marketing agreement) si Zeny sa MII, isang kompanyang gumagawa at nagpapadala ng mga muwebles sa ibang bansa. Ayon sa kontrata, 1) binibigyan ng MII si Zeny ng karapatan na piliin, hanapin at ipakilala ang mga produkto ng kompanya sa mga bibiling kustomer at ahente, ma-ging dito man sa loob o sa labas man ng bansa; 2) kapalit ng kanyang serbisyo ay babayaran si Zeny ng 10 percent ng halaga ng produktong ibinenta o ipinadala ng MII.
Habang umiiral ang kontrata, nakapagpasok ng tatlong proyekto si Zeny. Nakakuha siya ng tatlong 5-star hotel na nagpaayos ng mga kuwarto, pasilyo at restawran sa MII. Hiningi ni Zeny ang kabuuang kabayaran ng kanyang komisyon mula sa tatlong proyekto ngunit hindi siya binayaran ng MII. Malinaw daw sa kontrata na makakakuha lamang siya ng komisyon sa mga produktong muwebles na kahoy ng MII na napagbili niya.
Dahil sa nangyari, napilitang magsampa ng kaso si Zeny sa korte upang masingil ang kanyang komisyon na umaabot ng P254,089.52. Ipinipilit ni Zeny na papasok sa kasunduan ang mga proyekto dahil nabigyan ang MII ng pagkakataon na maibenta at magamit ang mga produkto nito sa kabuuang proyekto.
Matapos ang paglilitis, nagdesisyon ang korte pabor kay Zeny. Sa interpretasyon nito sa kasunduan, pasok ang mga proyekto sa dapat bayaran kay Zeny ng 10 percent. Ayon sa korte, ang sumunod na ginawa ng MII na unti-unting pagbabayad kay Zeny ay patunay sa pagkilala ng magkabilang panig sa ka sunduan.
Ang mga papel (voucher) na isinumite sa testimonya ng testigo ng kompanya at minarkahan bilang “K-2” hanggang “K-7” ang magpapatunay nito. Bagaman, wala sa dalawang panig ang naghain nito bilang ebidensiya. Tama ba ang korte?
MALI. Ayon sa batas (Art. 1370 Civil Code), kung malinaw din naman ang nilalaman ng kontrata, literal itong susundin at walang kailangang interpretasyon. Sa kasunduan, malinaw na hindi kasama ang mga proyektong pinasok ni Zeny sa dapat bayaran ng 10 percent komisyon.
Ipinagbabawal din sa ating batas (Sec. 9, Rule 130, Rules of Court) ang pagdagdag o pagkontra sa mga kondisyo nes na nakasaad sa kontrata sa pamamagitan lamang ng testimonya o ebidensiya na ginamit bago pa nabuo ang kontrata. Nagkamali ang korte nang magbigay ito ng sariling interpretasyon sa kasunduan. Lalo at ibinase nito ang interpretasyon sa mga papeles na minarkahan lamang bilang “k-2” hanggang “k-7” nguni’t hindi naman pormal na inihain sa korte bilang ebidensiya ng magkabilang panig. Walang silbi ang dokumentong ito.
Malinaw sa Sec. 34, Rule 132 Rules of Court na ang mga papel na minarkahan lamang ay walang halaga o walang silbi kung hindi rin naman ito pormal na inihain bilang ebidensiya. Hindi rin sapat na ipinakita lamang at minarkahan ang mga ito. Ang ebidensiyang pormal na inihain sa korte lamang ang piniling basehan ng korte. Hanggang hindi tinatanggap ng korte ang nasabing ebidensiya, itinuturing lamang itong kapirasong papel na walang halaga. (Heirs of Zamora vs. Multiwood International Inc., G.R. 146428, January 19, 2009).