KATATAPOS lang ng anibersaryo ng EDSA I. Kung merong mahalagang natutunan sa karanasan ng makasaysayang 4 day peaceful revolution – ito ay ang lakas ng puwersa ng boses nating mamamayan kung naisin lang nating magparamdam.
Gaya ng inisyatibong pinamamalas ng mga residente ng La Vista at Loyola Heights sa Katipunan, Quezon City. Nagkaisa silang tutulan ang panukalang pagtatag ng 31 floor commercial and residential condominium sa kanilang lugar (katabi ng Miriam at Ateneo) sa loob ng isang residential zone. Ang limitasyon sa taas ng building dito ay 9 meters o 3 stories. Lahat ng property owner ay sumunod sa ordinansa ng walang reklamo, tanggap na ito’y para sa kapakanan ng lahat. Kaya’t lahat din ang umaalma ngayon sa resolusyon nina Kon. Victor Ferrer at Jesus Suntay na magbibigay ng special treatment sa developer (SM Group) sa kabila ng tiyak na ibubunga nitong polusyon, ingay, at traffic.
Hindi mapipigilan ang Konseho ng Quezon City na bigyan ng dispensa ang aplikante kung may maidudulot din itong kabutihan (trabaho at livelihood). Pwedeng magpa-tay-malisya ito sa hinaing ng mga taga La Vista at Loyola Heights kapag sa tingin nila’y mas nakararami naman ang mabibiyayaan. Bahagi ng katungkulang mamuno ang pagpasya ng papaborang panig sa pagitan ng magkatunggaling interes.
Sa ating nakamasid, ito’y pang-“box-office” na laban. Pagkakataon itong masulyapan at mahimay ang relasyon ng halal na opisyal sa botanteng kanyang kinakatawan at sa mga pribadong grupo na may sarili ring interes. Masusubukan din dito ang tibay ng paninindigan ng Konseho ng Quezon City na ipatupad ang kanilang ordinansa o kung papaano nito maikakatwiran ang pagbigay ng “exemption” sa kanilang mga patakaran nang hindi sila napaghihinalaan. Higit sa lahat, ito’y magpapaalala sa atin na, tulad ng sa EDSA, ang pakikilahok, kapag hiniling ng panahon, ay mabisang lunas sa ating suliranin. Hindi natin kailangang maghintay at iasa sa iba ang mga bagay na kaya nating solusyonan. Ang ating kapalaran ay nasa sarili nating mga kamay.
Sa mga mandirig- ma ng La Vista at Loyola Heights, saludo sa inyo ang REPORT CARD.
Grade: 93