EDITORYAL - Mga 'mamamatay-taong' bus tuloy-tuloy ang yaot
MAHIGIT isang libong aksidente ang nangyari sa EDSA at Commonwealth Avenue noong nakaraang taon (2008) ayon sa report ng Department of Transportation and Communications (DOTC). At pawang mga pampasaherong bus ang kasangkot sa mga nangyaring aksidente. Hindi naitala ang bilang ng mga namatay sa aksidente noong 2008 pero sapat nang malaman na human error ang dahilan kaya nasasangkot sa aksidente ang mga bus. Unang dahilan ay ang pagiging kaskasero ng drayber. Nakikipagkarera sa kapwa bus at minsan maski sa tricycle ay nakikipagkarera rin.
Noong Miyerkules ng madaling-araw, bumaliktad sa Commonwealth Ave. ang Nova Transport Bus habang nakikipagkarera umano sa tricycle. Masya dong mabilis ang bus. Nag-overtake ito pero hindi nakontrol ang manibela kaya bumangga sa center island at bumaliktad. Hindi agad nakalabas sa bus ang 20 pasahero na nagtamo ng sugat sa mukha at katawan.
Noong December 2008, isang doctor ang na- matay makaraang banggain ang kanyang Mercedes Benz ng isang humagibis na bus sa EDSA. Nakikipagkarera rin ang bus at tumatakbo ng 100 kmph nang mawalan ng kontrol at sinalpok ang Benz ng doctor. Sa lakas ng impact, umikut-ikot ang sasak-yan ng doctor at nagliyab. Hindi na nakalabas sa kotse ang biktima.
Ang aksidenteng iyon ang naging dahilan para kanselahin ang prankisa ng bus company na nakasagasa. Isinulong din ng DOTC at LTO ang random drug testing sa lahat ng mga driver.
Ang kautusan ng DOTC at LTO ay nagbigay ng kasiyahan sa publiko at commuters. Kung isasailalim sa drug testing at re-training ang bus drivers, mababawasan na ang aksidente. Hindi na sila matatakot. Subalit malaking katanungan ngayon kung ipinatutupad ba ng DOTC at LTO ang kautusan na sila mismo ang naglatag. O “bulaklak” lamang ng kanilang dila nila ang lahat para masabing may ginagawang hakbang sa mga sunud-sunod na malalagim na aksidente. Magiging aktibo lamang ba uli kapag mayroon na namang nangyaring malagim na aksidente kagaya ng namatay na doctor? Huwag naman sanang ningas-kugon ang DOTC, LTO at iba pang awtoridad sa pagpapatupad ng nararapat.
- Latest
- Trending