EDITORYAL - Supplemental budget sa poll automation, apurahin
WALONG araw na lang ang nalalabi sa Pebrero. At dapat nang maaprubahan ng Kongreso ang supplemental budget para maisakatuparan ang automation ng 2010 elections. Pero ang tanong ay inaapura kaya o tinutulugan?
Ayon sa Commission on Elections kapag naisakatuparan ang automation sa 2010 elections, maaari nang malaman ang resulta sa araw din mismo ng election. Bago raw maghatinggabi ng araw mismo ng election ay malalaman na ang resulta. Ito ang sinabi ni Comelec commissioner Leonardo Leonida, noong nakaraang linggo sa isang press conference sa Iloilo City.
Ayon kay Leonida, wala raw imposible sa electronic transmission kahit pa ang Pilipinas ay binubuo nang maraming isla. Basta raw may signal ay madaling maipadadala ang results ng elections. Wala raw pagkakaiba sa pagpapadala ng message sa cell phone na agad natatanggap nang pinadalhan. Ang magiging problema lamang daw ay baka pasabugin ng mga terorista ang mga cell sites. Kapag ginawa raw ito ng mga terorista bago ang election, dito magkakaroon ng problema.
Ang lahat daw ng ito ay magiging possible kung madadaliin ng Congress ang pag-aapruba ng P11.3 billion supplemental budget. Sa mga kongresista umano nakasalalay ang automation ng 2010 elections. Dapat daw ay aprubahan na ang budget bago matapos ang Pebrero. Kapag daw naaprubahan na ang budget ay agad nang aasikasuhin ng Comelec ang bidding para sa automation machines. Ang budget lamang daw ang kanilang hinihintay. Ang hindi raw pagkilos ng Congress para sa budget ng 2010 elections ang magiging pangunahing dahilan para hindi maisakatuparan ang automation.
Mabilis, malinis at mapayapang elections. Iyan ang hinahangad ng mamamayan para sa 2010. Kung hindi kikilos ang mga mambabatas para maaprubahan ang budget, wala nang pag-asa. Ang dayaan, karahasan at kaguluhan ang mangingibabaw kapag hindi naipatupad ang automation. Mauulit ang mga nangyari kung saan nagsingawan ang mabahong ginawa ng ilang commissioner ng Comelec pa mismo kaya naman nalublob sa putikan ang tanggapan. Nabahiran ng dumi ang Comelec at kung hindi maisasaayos ang sistema ng botohan at pagbilang, hindi na sila makaaahon sa kinasadlakan.
- Latest
- Trending