NAPAKALIGAYA nina Judge Ceferino Villareal at Josefina Lopez, ng Legazpi, Albay, nu’ng Peb. 16, 1909. Isinilang ang kanilang panganay, pinangalanang Socorro, na sinundan ng pito pang supling.
Malalaking kaganapan sa sumunod na 50 taon. Naging siyudad ang Legazpi; naging Republika ang Pilipinas. At si Socorro, na unang nag-aral sa St. Agnes Academy-Legazpi sa pamamahala ng Missionary Benedictine Sisters, ay nagpatuloy sa Holy Spirit College sa Maynila. Tinapos niya ang BS Education, major in biology at minor in history, nu’ng 1932. Tumuloy sa kumbento at sumumpa bilang madre habambuhay, sa ngalang Sister Aida.
Laking tuwa ni Sister Aida nang matagpuan sa Benedictine Sisters ang dalawang kababata. Hindi nagkasabi-han sa high school sina Sisters Agustina at Mercedes ng balakin sa buhay. Pero matagal sila nagsama, bago lumisan ang dalawa para sa ibang kumbento sa Kalangitan.
Kumusta ang buhay-madre? Nu’ng una “taumbahay” si Sister Aida. Nagsanay sa kusina at kulahan, sa choir at kapilya. Kasama ang pag-awit ng Gregorian chants at meditation. Tapos, nagturo at nag-principal siya sa sampung paaralan sa Luzon. At nang magka-edad, nag-social action at taga-gawa siya ng rosaryo. Nu’ng 2000, sa edad-91, nagretiro si Sister Aida sa kumbento sa Marikina. Masayahin, aktibo sa mga gawaing ispirituwal, miski naka-wheelchair na.
Nang tanungin kung ano ang sikreto para matalas pa rin ang isip sa edad-100, simple ang sagot ni Sister Aida: “Maging masaya, huwag mag-alala, uminom ng maraming tubig, at ipasa-Diyos ang lahat.”
Kahapon nagtipon ang Benedictine Sisters para sa ika-100 kaarawan ni Sister Aida. Napabulalas ang imbitadong kapatid, “Pero nu’ng nakaraan taon ka pa nag-100, a!” Na pangiti lang si Sister Aida at nagmuni-muni: 1907 nga naman nang ikasal ang kanyang magulang, at pinanganak siya nang sumunod na taon, 1908. Pero 101 man o 100 taon lang siya ngayon ay bale-wala. Ang mahalaga ay pinagkalooban siya ng Diyos ng maraming biyaya nitong nakaraang siglo.