Posibleng senyales ng kanser

AYON sa Philippine Society of Oncologists, heto ang siyam na posibleng palatandaan ng kanser:

1. Pagbabago sa pagdumi o pag-ihi — Kailangang masuri ng doktor kung ang pasyente ay may problema sa bituka o sa bato at pantog. Kung may bahid ng dugo ang inyong dumi o ihi, magpatingin po sa isang surgeon.

2. Sugat na hindi gumagaling — Kung ang sugat ay nasa paa, posibleng dahil ito sa diabetes. Ngunit may mga sugat na iba ang dahilan. Kumunsulta sa dermatologist.

3. Hindi pangkaraniwang pagdurugo — Ang ma­dalas na pagdugo ng ilong o mula sa puerta (vagina) ay kailangan ipatingin. Posibleng may bukol sa ilong o matris ang pasyente.

4. Bukol sa suso o ibang bahagi ng katawan — Ang pangunahing kanser sa kababaihan ay ang kanser sa suso. Matutong mag-examine ng suso bawat buwan (self breast examination), lalo na kung may kamag-anak na may breast cancer. Kung may bukol na nakapa, mag­pa­­tingin sa isang surgeon.

5. Hirap lumunok — Posibleng may goiter o may nagba­bara sa lalamunan. Kapag hirap nang lumunok ng pagkain, magpa-check up sa ENT o Ear Nose Throat specialist.

6. Pagbabago ng nunal — Ang melanoma ay isang kanser sa balat na maitim ang kulay. Kapag nagbago ang anyo ng inyong nunal, lumalaki man o lumalapad ang hitsura, ipatingin sa isang dermatologist.

7. Laging inuubo — Maraming Pinoy ang inuubo dahil sa polusyon at panini­garilyo. Ngunit ang ubo ay puwedeng may iba pang dahilan. Magpagawa ng Chest X-ray. Malalaman dito kung may tuberculosis at bukol sa baga.

8. Maputla o kulang sa dugo — Ang mga anemic na pasyente ay kadalasan ma­lakas mag-regla o kulang ng sustansya sa pagkain. Pero posible rin na may kanser sa dugo o leukemia. Magpagawa ng complete blood count o CBC.

9. Pangangayayat nang walang dahilan — Ganito ang nangyari kay Tita Cory Aquino. Namayat siya muna bago natuklasan na may colon cancer. Kung ika’y pu­mayat ng 5 kilo o 10 pounds ng hindi naman nagdi-diyeta, magpatingin sa isang internist o family medicine doktor.

Nililinaw ko lang po na ang mga senyales na ito ay hindi nangangahulugang may kanser na ang pas­yente. Huwag munang ma­ngamba. Kumunsulta sa doktor para malaman ang sakit. Good luck po!

Show comments