MISMONG World Bank (WB) ang nagsaboy ng pinaka-latest na akusasyon ng katiwalian laban kay Ginoong Miguel Arroyo. Napag-alamang noong 2007 pa lang ay nabigyan na ang Malacañang ng kopya ng WB report. Ang hindi nito pagkilos sa mga naiulat na kalokohan ay lalo lang nagpapalakas sa mga hinala.
Kung karaniwan na ang paratang ng anomalya laban sa Palasyo, karaniwan na rin sa atin ang kanilang nakasanayang reaksyon: as in NO REACTION. Kapuna puna raw na hindi man lang nainsulto ang mag-asawa sa harap ng walang patid na reklamo laban sa kanila at sa mga miyembro ng kanilang pamunuan. Dito sa WB report, ang reaksyon ng Palasyo ay “ok . . . nasaan ang ebidensiya”? Ang punto ay – kung inosente ang tao, normal na reaksyon ang nanggagalaiti at agarang pagkilos kapag pinaparatangan ng huwad. Ang kawalan ng galit at ang kupad ng reaksyon ay maipapaliwanag lamang ng mga dahilang nakatago.
Sa ganitong background dapat intindihin ang kakaibang paninindigang pinamalas ni Defense Secretary Gilberto C. Teodoro, Jr., ang isa sa dadalawang kalihim ng Gabinete na “upright” maging sa mata ng mga oposisyon (pangalawa si DSWD Sec. Esperanza Cabral).
Si Sec. Teodoro ay sinalubong sa DND ng alegasyon ng iregularidad sa pagbili ng AFP ng 6 NIGHT ATTACK Helicopters sa halagang P1.2 billion. Bilang isang sibilyan at batambatang kalihim, naging napakadali sanang magkibit balikat ni Teodoro at pabayaan na lang sa proseso ang mga may kagagawan. Hindi biro harapin ang “sindikato” sa military procurement – mula nang nag-martial law kung kaila’y walang makakuwestiyon sa mga gawain ng mga heneral, naging bahagi na ng kultura sa DND ang ganitong uri ng procurement. NOT SO FAST sabi ni Sec. Kung ano ang linis ng kanyang pagkatao, ganyan ding kikilalanin ang kagawaran sa ilalim ng kanyang administrasyon. Agad itong nagtatag ng investigating committee sa Helicopter Procurement Case at ang findings nito’y binato ng walang pag-atubili sa OMBUDSMAN.
Ganitong uri ng aksyon agad ang kailangan ng bansa sa tuwing may ba hong umaalingasaw. Eh ang problema’y ang ganitong aksyon ay maaasahan lamang sa taong walang tinatagong dahilan.