EDITORYAL - Hindi dapat paniwalaan ang Sayyaf na 'utak' kidnap
NAKAKATAWA ang pinahayag ng mga kidnapper na Abu Sayyaf noong nakaraang araw. Kaya raw nila kinidnap ang tatlong Red Cross workers ay dahil gusto nilang makakuha ng livelihood projects. At ang sabi pa, ang hangad daw nila ay kapayapaan. Hindi raw sila nanggugulo. Proyektong pangkabuhayan daw lamang ang hangad nila kaya nila kinidnap ang tatlong Red Cross workers. Galing sa isang medical mission ang tatlong Red Cross workers nang harangin ng Abu Sayyaf ang kanilang sasakyan noong January 15.
Mahirap paniwalaan ang sinabi ng mga kidnapper na Sayyaf. Kung ang kanilang kailangan ay mga proyektong makatutulong sa kanilang ikabubuhay, hindi ang mga Red Cross workers ang kanilang peperwisyuhin. Kung ang hangad nila ay mga proyektong pangkabuhayan, bakit hindi ang mayor o governor nila sa Sulu ang kanilang pukpukin para makakuha sila ng pangkabuhayan. Isang malaking kamalian ang kanilang ginawa na ang mga taong nagkakawanggawa ang pinerhuwisyo.
Ayon kay Vice Governor Lady Anne Sahidullah wala umanong intensiyon ang mga kidnapper na humingi ng ransom para sa tatlong Red Cross workers. Ang mga kinidnap ay sina Andreas Notter ng Switzerland, Eugenio Vagni ng Italy at Pinay na si Marie Jean Lacaba. Ayon pa kay Sahidullah, kapa yapaan daw at hindi karahasan ang mithi ng mga kidnapper sa Sulu.
Kung livelihood projects at kapayapaan ang hangad ng Abu Sayyaf, hindi ang pangingidnap ang dapat nilang gawin. Hindi ang pamemerwisyo sa buhay ng mga inosenteng tao ang kanilang gagawin. Hindi gawain ng mga taong hangad ay kapayapaan ang mangidnap. Noon pa man, kilala na ang Abu Sayyaf sa karahasan. Maski babae ay hindi nila pinatatawad. Maski mga bata ay kanilang kinikidnap. Pati pari ay hindi nila iginagalang at walang awang pinapatay. Isang Amerikanong bihag ang kanilang pinugutan. Noong taong 2000, mga dayuhang turista sa Sipadan, Malaysia ang kanilang dinukot at hiningan ng ransom. Masyado nang maraming kasiraan sa Pilipinas ang idinulot ng mga teroristang ito.
Dapat lamang na huwag pakinggan ang kanilang kahilingan na lubha namang hindi kapani-paniwala.
- Latest
- Trending