‘WALA KASI KAMING ALAM SA BATAS’ O DI KAYA ‘MABABA LANG PO KASI ANG PINAG-ARALAN NAMIN’.
Yan ang mga katagang madalas sabihin ng mga taong napabayaan ang kanilang kasong ipinaglalaban at nauwi sa wala.
December 2, 2008 ng pumunta sa aming tanggapan si Anastacia Amaro 36 taong gulang at may pamilya upang idulog ang aksidenteng nangyari sa kanyang nakatatandang kapatid na si Valentin Patacsil 50 taong gulang, tricycle driver at may pamilya. Kasama niya ang anak ni Valentin na si Mylene Patacsil, 25 taong gulang at mula pang Urdaneta City, Pangasinan.
December 22, 2005 bandang alas dos ng madaling araw ng sunduin ni Valentin sakay ng kanyang pampasadang tricycle si Ariston Serafin 74 taong gulang at apo nitong si Abelita Eucanar pitong taong gulang upang ihatid sa simbahan para magsimbang bagi.
‘Regular costumer’ na ni Valentin si Ariston kaya naman sa lahat ng lakad nito sa kanilang bayan siya ang naghahatid at nagsusundo.
Nung binabaybay na nila ang papunta sa Immaculate Concepcion Church ay bigla na lang silang binangga ng isang Mitsubishi pick-up na may plakang TMH 880.
Ayon kay Anastacia na nakilala nila ang bumangga sa kuya nila na si Edwin Marcos Reyes. Siya ay 35 taong gulang nung nangyari ang insidente.
Dagdag pa nito na galing umano sa ‘beer house’ si Edwin kaya ito laseng habang nagmamaneho.
Habang nagmamaneho ay may tricycle sa kanyang harapan. Bigla umanong nag-overtake si Edwin at pag-overtake niya hindi niya kaagad nakita ang paparating na tricycle ni Valentin at nagkabungguan sila.
Dinala si Edwin sa Emergency Hospital upang mabigyan ng pangunang lunas at dun napatunayan na positibo siya sa ‘alcoholic breath’ at ayon sa ‘traffic accident report’ ay ‘expired’ ang lisensyang ipinakita ni Edwin.
Dinala rin sa nasabing ospital ang dalawang pasahero ni Valentin pero agad din silang namatay at si Valentin naman ay dinala sa Provincial Hospital ng Dagupan City dahil sa mga natamong malubhang pinsala.
Dalawang araw siyang nasa Provincial Hospital at sinabi ng doktor na kailangan putulin ang kanyang kanang paa dahil na-’dislocate’ ito ngunit hindi siya pumayag mangyari iyon.
Inilipat si Valentin sa Francisco General Hospital sa Nancayasan, Urdaneta City, Pangasinan at dito ay agad siyang inasikaso. Nilinisan ang mga sugat niya at hindi kinailangan putulin ang kanyang paa at nilagyan lang ito ng bakal.
December 31, 2005 ng pumunta sa ospital ang dalawang matandang tita ni Edwin at bayaw nito. May dala umano itong ‘waver’ na ang nakalagay ay hindi na pwedeng maghabol si Valentin kay Edwin kahit anong mangyari.
Ayon kay Anastacia ay pilit nilang pinapapirma si Valentin sa nasabing waver. Ang sabi ng mga tita ni Edwin na babayaran nila ang lahat ng gastos sa ospital ngunit ng pina-check nila ito ay hindi pa naman pala ito nababayaran.
Sinabi ni Valentin na bago siya pumirma ay bayaran muna nila ang lahat ng gastusin sa ospital pero ang sabi mga tita ni Edwin na hindi pa nila nabebenta ang kanilang lupa at kulang pa ang perang dala nila.
“Nagkaroon kami ng komprontasyon ng dalawang matatanda. Sinabi kong anong habol ng kapatid ko pagpumirma siya sa waver na yun at isa pa hindi pa naman nila nababayaran ang responsibilidad nila kaya huwag nilang pilitin ang kuya ko sa bagay na ayaw nitong gawin,” kwento ni Anastacia.
Sinagot lang umano siya ng matanda ng “Sige bahala kayo kung ayaw niyo” at bigla na lamang silang umalis.
Hindi na muling nakipag-usap ang kampo ni Edwin kanila Anastacia upang panagutan ang kanilang responsibilidad.
January 1, 2006 ng pinilit lumabas ni Valentin sa ospital dahil namatay ang kanilang ama.
March 2, 2006 ng magfile sila ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injuries and Damage to Property sa Urdaneta City Prosecutors Office.
Walang binigay na ‘counter affidavit’ si Edwin at hindi na rin siya matagpuan sa mga address na ibinigay niya.
August 14, 2006 ng lumabas ang warrant of arrest ni Edwin na pinirmahan ni Judge Rodrigo G. Nabor ng Regional Trial Court (RTC) Branch 49 ng Urdaneta City, Pangasinan.
February 5, 2007 lang nalaman at nakakuha sila Valentin ng nasabing warrant of arrest.
Hindi na alam nila Valentin ang naging takbo ng kaso at marami silang narinig na mga usap-usapan na umano’y nasa ‘America’ na si Edwin at nagte-training bilang ‘army’.
October 2008 ng pumunta ang tita ni Edwin na si Josie at sinabi umanong nadestino ito sa Iraq. Tinatanong din nila kung magkano talaga ang dapat na bayaran ni Edwin sa kanila.
“Hindi kailangan ng kapatid ko ang pera nila dahil hindi nila mababayaran ang hirap at perwisyong ginawa nila sa kapatid ko at sa pamilya niya. Naawa ako sa kanya dahil hanggang ngayon ay hindi na siya makapagtrabaho dahil sa pinsalang sinapit niya sa aksidente,” pahayag ni Anastacia.
Ayon kay Anastacia ay na-‘archive’ na ang kasong isinampa ng kanyang kapatid.
January 22, 2008 ng lumabas ang ‘alias warrant’ ni Edwin na pinirmahan ni Judge Ulysses R. Butuyan ng RTC-branch 49 ng Urdaneta City, Pangasinan.
“Ang gusto lang namin ay makulong siya upang mapagdusahan niya ang pagiging iresponsable niya. Maraming tao ang naaapektuhan sa ginawa niya. Darating ang panahon na makakarma siya at kahit nasaan pa siya hindi magtatagal ay mahuhuli rin siya at makukulong. “ matapang na pahayag ni Anastacia.
Nakipag-ugnayan kami kay COMMISSIONER MARCELINO LIBANAN, Commissioner ng Bureau of Immigration and Deportation (BID). Napag-alaman namin na nakalabas nga ng bansa itong si Edwin at nagpunta sa Hong Kong. Pagkatapos tumuloy ito sa Los Angeles, California na pala ito at nakalabas ng bansa noong December 2006 pa.
Pinangako namin kay Anastacia na makikipag-ugnayan kami nay Asec Domingo Lucenario ng Department if Foreign Affairs, head ng Consular Affairs upang tingnan kung maaring makansela ang passport nitong suspect.
Samantala upang matulungan ang kundisyon ni Valentin binigyan naming siya ng referral sa tanggapan Chairman Sergio Valencia ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at sa tulong ni Ms. Betty Richardson maasistehan sila sa pagpapagamot kay Valentin.
Malinaw na ang paglipad ni Edwin papuntang ibang bansa ay para maka-iwas sa nangyari kay Valentin.
Lumipad ka hanggang may ulap! Lumipad ka hanggang saan lupalop man ng daigdig na gusto mo!
Darating ang panahon na dadapo ka rin at kapag nangyari ito mahuhuli ka at makukulong. (KINALAP NI JONA FONG)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: tocal13@yahoo.com