Ba't hindi ginagamit ng Cebu Pacific ang airport 'passenger tube'?

NAGTATANONG ang maraming pasahero bakit kinakailangan nilang maglakad sa tinatawag na “airport ramp” o “apron” sa ilalim ng mainit na araw o di kaya ay kahit malakas ang ulan patungo sa kanilang Cebu Pacific aircraft para sa kani-kanilang mga biyahe palabas ng Davao City International Airport.

Ganun din para sa mga parating na pasahero, pinapababa sila ng eroplano at pinalalakad sa rampa upang makarating sa airport terminal.

Itong paraan na ito ay talagang inconvenient para sa mga pasahero na kung tutuusin ay makakagamit naman sila ng “passenger tube” patungo o palabas sa kanilang eroplano kung nanaisin ng Cebu Pacific.

Ang hindi paggamit ng Cebu Pacific ng “passenger tube” ay naging paksa na rin dito kahit na sa Sangguniang Panglungsod na kung saan pinagsikapan din ng mga city councilors na mahanapan ng paraan na mapilitan ang Cebu Pacific na gumamit na ng passenger tube para sa kapakanan ng libo-libo nilang pasahero dito sa Davao City.

May apat na passenger tubes ang Davao City airport na magagamit naman ng Cebu Pacific.

Ayon kay Air Transportation Office (ATO) Southern Mindanao manager Frederick San Felix, hindi lang naman dito sa Davao City airport ginagawa ng Cebu Pacific ang nasabing pamamaraan kundi maging sa airports ng Cebu at sa Centennial 3 airport sa Manila.

Sinabi ni San Felix, ang management mismo ng Cebu Pacific, sa pamamagitan ng isang liham ang nagpasya na hindi gagamit ng passenger tube dahil nga daw sa $15 per hour na kinukulekta ng ATO sa bawat eroplano na gumagamit nito.

Ipagpalagay na natin na mahaba na nga ang dalawang oras para manatili ang eroplano sa airport bago ito lilipad muli para sa susunod na destinasyon nito. Kaya, may tinatayang $30 na babayaran sa ATO. Kung ito ay ibabase sa pangkasalukuyang palitan ng peso sa dolyar, hindi naman ito aabot sa P1,500.

‘Ika nga ni San Felix, gumagamit naman ang PAL at ang ibang airlines ng passenger tube ngunit depende din sa tipo ng eroplano kung maaabot nito ang level ng naturang tube.

Puwede rin naman daw na kolektahin ng Cebu Pacific ang dagdag singil na kahit P5 kada pasahero upang magamit nga nila ang passenger tube. Ang naging tourism board ng Davao City council ay gawing mandatory ang pag-gamit ng passenger tube upang mapilitan naman ang Cebu Pacific na gamitin nga ito para naman sila makakaiwas sa disgrasya na dulot ng malakas na buhos ng ulan o di kaya ay ng matinding init ng araw upang makarating o makababa lang sila sa eroplano nila.

Dagdag naman ni San Felix na sana ang mga pasahero mis­mo ang maghahain ng complain sa Cebu Pacific upang mapilitan nga itong gamitin ang passenger tube. Ngu­­­nit tinatanong ko rin ang ATO kung ang paggamit ba ng pas­senger tube ay hindi kasali sa dapat na serbisyo para sa mga pasahero na nagbabayad naman ng terminal fee na P200 tuwing aalis.

Sinabi ni San Felix hindi raw kasali ang paggamit ng passenger tube sa kung anong makukuha sa P200 na terminal fee.

Sana mapaliwanagan din ng Cebu Pacific ang mga pasahero nito kung bakit hanggang ngayon ayaw pa rin nitong gamitin ang passenger tube ng Davao City airport.

Hihintayin ko sa e-mail ko ang sagot ng Cebu Pacific at nang malalaman din ng mga pasahero ang tutoong kaganapan. (ERR)

* * *

Para sa mga reaksyon paki-email po ako sa maridithr@yahoo.com.

Show comments