NALIBANG ang matandang aso sa kapapasyal, kaya’t hindi napansin na naligaw na pala siya sa kaloob-looban ng gubat. Hindi alam ang daan pabalik sa farm, nagpahinga muna siya. At namataan niya ang binatang leopard na papalapit at halatang balak siyang gawing tanghalian.
“Naku, ano ang gagawin ko?” tanong ng matandang aso sa sarili. Naghahanda na si leopard na lundagin ako, dapat malinlang ko siya.”
Napansin ng aso ang kumpol ng buto sa gilid ng puno. Dali-dali, nginata-ngata niya ang mga ito, sabay dumighay nang malakas, “Wow, ang sarap talaga nitong meryenda kong leopard. Saan kaya ako makakabitag ng isa pa?”
Nang marinig ito ng binatang leopard, napaatras siya. Kinilabutan at nagtago sa kahuyan. “Whew!” aniya sa sarili, “Muntik na ako du’n, buti na lang hindi ako nilapa ng matandang aso.”
Meron palang matsing na nanonood sa dalawa. Naisip ng matsing na magagamit ang impormasyon para bilihin ang proteksiyon ng binatang leopard, kaya sinundan niya ito sa kahuyan.
Nang magkita sila, ibinulong ng matsing ang mga pangyayari, sabay nakipagkasundo na hindi na siya gagalawin ng leopard kailan man.
Bumubula ang bibig ng binatang leopard sa galit na napaglalangan siya ng matandang aso. Aniya: “Halika, matsing, sumakay ka sa balikat ko at panoorin kung ano ang mangyayari sa uugud-ugod na askal na ‘yan.”
Namataan ng matandang aso na papalapit muli ang binatang leopard, at nakaupo pa ang matsing sa balikat. “Naku, ano na naman ang gagawin ko?” Isip siya nang malalim.
Imbis na tumakbo, umupo ang matandang aso, nakatalikod sa dalawa. Kunwari’y hindi niya napansin na papalapit sila. Nang malapit na sila, nagbuntong-hininga ang matandang aso: “Nasaan kaya ang matsing na ‘yon? Isang oras na ang nakalipas mula nang dinispatsa ko siya para ihanap ako ng isa pang malalamon na leopard.”
Leksiyon: Mas lamang ang karanasan kaysa karahasan.