^

PSN Opinyon

'Nagbigti nga ba si Misis...?'

- Tony Calvento -

“NAGBIGTI NGA BA SI MISIS…?”

ANG MATINDING SELOS AY NAKAMAMATAY. Marami na tayong nabasang pumatay sa mga kasong tinaguriang “crime of passion”. Meron din namang mga kaso kung saan dahil sa selos nagpapakamatay ang isang babae o lalake upang pakonsyensahin ang kanyang kabiyak.

Isang palaisipang kaso ang idinulog sa aming tanggapan. Nagpakamatay daw ang asawa niyang babae dahil sa selos. Nagbigti ito. Ang pamilya ng babae naman ay pinaghihinalaang may “foul play”.

Basahin ninyo ang tampok ngayong unang isyu ng “CALVENTO FILES” para sa taong 2009. Manigong Bagong Taon sa ating lahat!       

December 12, 2008 ng pumunta sa aming tanggpan si Sonia Villapando 47 taong gulang kasama ang kanyang asawa na si Provo Villapando, dating security guard upang idulog ang problema ng kanilang anak na si Minandro Villapando.

“Tulungan niyo po kami dahil pinagbibintangan ang anak ko sa isang bagay na hindi niya kayang gawin. Ayokong makulong si Menandro dahil hindi namin siya pinalaki ng maayos para lang magdusa sa kulungan dahil lamang sa maling bintang,” naiiyak na pahayag ni Sonia. 

November 1, 2008 ng bisitahin nila Sonia ang kanyang anak na si Menandro at pamilya nito sa Laguna upang kamustahin. Nakita niya naman na masaya at maayos ang kalagayan ng pamilya nila Menandro.

Si Menandro ay security guard. Mag-iisang taon pa lamang kasal kay Merelisa Villapando at sila ay may walong buwang anak na babae.

November 6, 2008 bandang alas otso ng umaga ng pumunta si Menandro sa bahay ng kanyang kapatid na si Michelle Cleope sa Parañaque.

Nagulat sila dahil biglaan ang pagpunta niya. Sinabi ni Menandro ang dinadala niyang problema. Ikinwento niya ang mga pangyayari.

Ayon kay Menandro na nung November 5, 2008 bandang alas syete ng gabi ay nag-away sila ni Merelisa dahil nalaman nito na bumili siya ng pahulugang pabango na Hanes.

Nagkaroon sila ng mainitang komprontasyon. Sinabi umano sa kanya ni Merelisa, “Bakit kailangan mong bumili ng pabango?” Agad namang sumagot si Menandro ng “Bakit masama ba? Porke’t ganito lang ako hindi na ba ako pwedeng bumili ng pabango!” 

Ayon kay Menandro na nag-aaway sila dahil madalas siyang pinag­bibintangan ni Merelisa na may iba siyang karelasyon.

Pinuntahan ni Menandro ang kapatid ni Merelisa na si Aisa Magpantay na nakatira lang malapit sa kanilang bahay upang sabihing kausapin nito ang kanyang kapatid para kumalma pero imbes na maging tulay upang magbati ang dalawa sinabihan lang umano sila ni Aisa, “Wala na kayong ginawa kundi mag-away. Yan ang kutsilyo magpatayan nalang kayo”

Itinapon daw ni Merelisa ang mga damit ni Menandro sa labas ng kanilang bahay.

Pinulot niya ang mga damit niya at nagpasyang pumunta na lang sa kanilang kampo at dun nalang magpahinga at para makuha niya na rin ang kanyang sweldo kinabukasan. 

Alas sais ng umaga ng umuwi si Menandro naisip niya na pag-umuwi siyang may sweldo ay kaagad silang magbabati pero isang kakilala niya ang nakasalubong niya at sinabing “Bakit nandito ka? Kagabi ka pa hinahanap dahil ikaw raw ang sumaksak sa asawa mo at 50-50 siya ngayon sa ospital.”

“Nagulat ako at natakot kaya lumuwas ako ng Maynila. Gustuhin ko mang puntahan upang matingnan ang kalagayan ng asawa ko hindi ko magawa dahil sa kinakabahan ako dahil pinaghahanap na nila ako at ako ang pinagbibintangan nilang may kasalanan sa pag­kamatay ni Merelisa ,” kwento ni Menandro.

Upang makasigurado ay pumunta sila Menandro at ang kanyang ka­patid na si Micheal Villapando sa Public Attorney’s Office ng Parañaque upang humingi ng payo.

Ayon kay Sonia na ang sabi sa kanila ng nakausap nila sa PAO Parañaque na maghintay sila kung may warrant of arrest na dadating at kung meron man ay tingnan kung sino ang judge na nakapirma at huwag basta-basta sasama.  

Napagpasyahan muna nila Sonia na pagtaguin muna si Menandro habang naghihintay sila ng subpoena.

Hindi rin bumisita sa burol ng kanilang manugang dahil alam naman nila na hindi sila “welcomed” dun. Natatakot din sila baka sila ang pagbuntunan ng galit.

Upang malaman kung meron ngang kasong isinampa laban dito kay Menandro at kung ano ang naging takbo ng imbestigasyon nakipag-ugnayan kami kay P/Sr.Insp. Ronaldo Ildefonso ng Chief of Police ng Bay, Laguna.

Ayon sa Police Investigation Report na natagpuang patay si Merelisa sa kwarto ng kanilang bahay sa Brgy. Bitin, Bay, Laguna bandang alas nuebe y medya ng gabi ng kanyang mga kamag-anak.

“Initial Investigation conducted by this station disclosed that the victim had a heated argument between her husband namely Menandro Villapando, Thereafter, she was found hanging inside her room lifeless by her relatives,” mula sa Police Investigation Report.

Ayon pa rin sa Police Investigation Report na pinutol umano ni Merelisa ang duyan ng kanyang anak. Tumungtong sa upuan at lamesang plastic at itinali ang lubid ng duyan sa kisame at tumalon na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Itinakbo pa si Merelisa sa St. Cabrini Medical Center sa Sto. Tomas Batangas para mabigyan ng pang-unang lunas ngunit huli na ang lahat at idiniklara ng patay ito pagdating ng ospital.

Nagkaroon ng pagkakataon na magka-usap si Menandro at si P/Sr Insp. Ildefonso. Inimbitahan niya si Menandro sa kanilang tanggapan upang masagot nito ang ilang mga katanungan ukol sa pagkamatay ng kanyang asawa.

Nagdalawang isip itong si Menandro sa kanyang kaligtasan. Bagamat siniguro ni Chief Ildefenso ang kanyang kaligtasan, nakiusap siya na kung maari sa aking tanggapan kunan siya ng opisyal na pahayag at sa ganun din ay merong abogado na maaring gumabay sa kanyang karapatan.

Pinaunlakan naman ito ni Chief Ildefonso at nangako na magpapadala siya ng kanyang mga tauhan sa aming tanggapan. Ipinangako pa nitong Police Chief ng Bay na patitignan niya ang kalagayan ng walong buwang anak ni Menandro na ngayon ay nasa pamilya ni Merelisa. 

SA PUNTONG ITO mga mambabasa ng pitak na ito, hindi dahil lumapit sa aming tanggapan si Menandro ay proprotektahan na naming siya at kasama kaming lilinis ng kanyang pangalan. Maraming katanungan ang gusto kong sagutin niya sa isang pormal na police interrogation.

Sa isang “suicide” kadalasan merong “suicide note” kung bakit ginawa ito nung nagpakamatay. Sa insidenteng ito walang ganun. Kung magpapakamatay nga si Merelisa hindi ba dapat iniwan niya ang kanyang pasusuhing anak sa kanyang kapatid o mga magulang bago niya ginawa ito? Naiwan kasing nag-iisa yung sanggol sa loob ng bahay.

Ang pagtago o pag-iwas ay kadalasan sinasabi sa legal terminology na “flight is an indication of guilt”. Maaring natakot nga siya na siya ang sisisihin bakit nagpakamatay (kung nagpakamatay nga) subalit bilang asawa dapat buong tapang mong harapin ang pamilya ng iyong asawa dahil wala kang kinalaman sa kanyang pagkamatay.

Ang isang nakikita kong senaryo na maaring nangyari ay na disgrasya niya ang kanyang asawa at para pagtakpan pinalabas niyang nagpamatay ito.

Kinuha niya ang lahat ng kanyang mga gamit at nilisan niya ang kanilang bahay. Bakit hindi dinala ang sanggol? Simple lamang, kapag ginawa niya yun masyado ng halatado na hindi nagpamatay yung babae. Natulog muna siya sa kanilang barracks. Ako’y nanghuhula lamang. Isang espekulasyon na walang batayan. Wala pa sa ngayon!

Ano kaya sa palagay ninyo? Bakit hindi kaya magpa polygraph test itong si Menandro upang malaman kung meron siyang itinatago sa misteryong pagpapakamatay(?) ng asawa niya! Sige nga Menadro magpa- lie detector test ka kaya? (KINALAP NI JONA FONG)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

* * *

Email: [email protected]

AYON

DAHIL

KANYANG

MENANDRO

MERELISA

NIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with